Japanese director Nishikawa, binalikan ang kuwento ng isang batang ulila matapos ang WWII
Sari Story
September 16, 2026 at 7:19:43 AM
Tinalakay ng Japanese director na si Miwa Nishikawa ang matagalang epekto ng digmaan sa kanyang pelikulang “Children Untold,” na nakatuon sa isang batang ulila at isang babaeng parehong hinaharap ang pagkawala ng kanilang dating buhay sa Japan matapos ang digmaan.
Nag-premiere ang pelikula sa Toronto International Film Festival noong nakaraang linggo at naging kauna-unahang Japanese film na nagbukas sa kompetitibong Platform section ng festival.
Itinakda ang kuwento sa panahon matapos ang World War II, kung kailan tinatayang 120,000 bata ang naiwan na ulila. Sinusundan ng “Children Untold” si Kotoko, isang 12-anyos na batang babae na nawalan ng pamilya at nagkunwaring lalaki upang mabuhay sa mga lansangan ng Tokyo. Samantala, ang dati niyang guro sa paaralan ay nagsikap ding mabuhay matapos mapilitang pumasok sa prostitusyon para sa mga sundalong nasa occupation forces. Sa kanyang paghahanap kay Kotoko, muli silang nagkaroon ng pagkakataong magtagpo.
Bagama’t karaniwang isang batang lalaki ang naiisip kapag nababanggit ang terminong “war orphan,” nais ni Nishikawa na bigyang-pansin ang mga batang babaeng naulila na hindi gaanong naikwento ang kanilang mga karanasan.
“Tiyak na kasing dami rin ng mga lalaki ang mga batang babaeng naulila dahil sa digmaan. Nais kong suriin kung paano sila nakaligtas at kung paano umusbong ang kanilang mga buhay (There must have been just as many girls orphaned by the war. I wanted to examine how they survived and how their lives unfolded),” sabi ni Nishikawa sa isang panayam.
“Hindi nagtatapos ang digmaan kapag tumigil na ang labanan. Kahit tapos na ito, patuloy pa ring humaharap ang mga tao sa iba’t ibang laban sa kanilang buhay. Nais kong maunawaan iyon ng mga bata ngayon (War does not end when the fighting stops. Even after it is over, people continue to fight different battles in their lives. I wanted today's children to understand that),” dagdag pa niya.
Nang simulan niyang buuin ang pelikula noong 2020, nangangamba si Nishikawa na maaaring maging malayo na sa karanasan ng mga modernong manonood ang tema nito. Ngunit dahil sa mga digmaan sa Ukraine, Gaza at Iran, naging mas napapanahon ito kaysa sa kanyang inaasahan.
“Sa halip na ang pelikula ko ang sumasalamin sa mundo ngayon, ang mundo mismo ang mas naging malapit sa ipinakita ko sa pelikula (Rather than my film reflecting today's world, the world itself has moved closer to what I portrayed in the film),” aniya.
Sa gitna ng mga umiiral na pandaigdigang tunggalian, sinabi ni Nishikawa na nakikita niya ang mga palatandaang unti-unti nang humihina ang mga prinsipyo ng pacifism o pagtutol sa digmaan ng Japan, na pinanghawakan ng bansa sa loob ng nakalipas na 80 taon.
Bilang isang filmmaker mula sa Hiroshima, kung saan mas malapit at personal ang alaala ng digmaan, sinabi ni Nishikawa na “mabigat” para sa kanya ang paglalarawan sa digmaan. Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbabalik-tanaw sa mga pagkakamali ng Japan noong nakaraan, kabilang ang kung paano naimpluwensiyahan ng propaganda ang mga tao, kung paano sila nahikayat na sumabak sa digmaan, at kung paano nabigo ang ilan na panagutan ang mga naging epekto nito.
Ayon kay Nishikawa, ang susunod na hamon ay kung paano mahihikayat ang mga taong naniniwalang sapat nang napag-usapan ang ganitong mga paksa.
“Kailangang humanap ng mga paraan ang bagong henerasyon ng mga creator, hindi lamang sa Japan kundi sa buong mundo, upang maipagpatuloy at maipasa ang mga kuwentong ito (A new generation of creators, not only in Japan but around the world, needs to find ways to carry these stories forward),” sabi niya.

