Inka Magnaye, nabahala matapos mapalitan ng AI ang voice-over gig ng ina
Kimberly Asis / Sari Story News
October 9, 2026 at 11:58:20 AM
Nagpahayag ng pagkabahala ang content creator at voice talent na si Inka Magnaye sa lumalaking banta ng artificial intelligence (AI) sa mga trabahong pangmalikhain matapos mawalan ng voice-over gig ang kanyang ina, ang beteranang voice talent na si Lindy Pellicer, dahil sa teknolohiyang ito.
“My heart breaks for all the artists and creatives,” sulat ni Inka sa isang social media post noong Huwebes, kalakip ang screenshot ng mensahe ng kanyang ina sa kanilang pamilya: “I just lost a voice over job to AI.” Sinubukan namang pagaanin ng kapatid ni Inka ang loob ng kanilang ina sa pagsasabing posibleng badyet ang naging dahilan ng desisyon ng kliyente.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Inka ang kliyente, inilarawan niya ito bilang isang malaking brand.
Kinikilala ni Inka na may sarili ring mga interes na kailangang isaalang-alang ang mga negosyo. Gayunman, hinimok niya ang mga kumpanya na pag-isipan ang epekto ng pagpili sa AI sa halip na kumuha ng mga taong may talento.
Hinamon niya ang malalaking brand na pag-isipan kung nais ba nila ang isang kinabukasang inuubos ng teknolohiya ang likas na yaman ng mundo habang inaalisan naman ng mga oportunidad ang mga tao.
“Is that the future you want? A world where numbers, codes, and programs syphon the earth’s resources and take opportunities from actual human beings?” tanong niya.
Binigyang-diin din ni Inka na ang perang matitipid ng mga kumpanya sa paggamit ng AI ay maaaring kapalit ng kabuhayan ng mismong mga taong sumusuporta sa kanilang negosyo.
“Sure, you save money. But the money you would have spent on the real people who would love to work with you will end up spending this money back on you anyway. We are your customers, too,” aniya.
Iginiit din niya na dapat magsilbing kasangkapan ang AI sa halip na pamalit sa talento ng tao. Para kay Inka, kulang sa buhay at pagiging tunay ang mga content na nililikha ng AI kumpara sa mga likha ng tao.
“AI VOs sound lifeless. AI art feels lifeless. AI music sounds lifeless. Why? Because AI is not alive,” diin niya. “It can never replicate life. And we are slowly being backed into a dead world one prompt at a time.”
Sa pagtatapos ng kanyang post, nanawagan si Inka sa mga brand at kumpanya na kunin ang serbisyo ng kanyang ina bilang voice talent. “If any brands or companies out there want to hire an amazing voice-over artist, my mom’s schedule just freed up,” aniya.
Nagpasalamat naman si Lindy sa suporta ng kanyang anak, ngunit inamin niyang labis siyang nalungkot at nadismaya sa pagkawala ng proyekto dahil maraming taon na siyang nagtatrabaho para sa naturang kliyente.
“It’s a sad and frustrating day for me because I’ve been doing voice work for them for many years! This is the day I dreaded most!” pahayag ni Lindy.
Sa kabila ng kanyang pagkadismaya, nanatiling umaasa si Lindy at ipinagkatiwala sa Diyos ang paghahanap ng mga bagong oportunidad.
“Now that it’s here, I can only trust God to get me gigs. He is my full-time booking agent!”
Nangyari ang karanasan ni Lindy sa gitna ng lumalaking pangamba ng mga artist at iba pang propesyonal sa industriya sa posibilidad na mapalitan ng AI ang mga manggagawa at mabawasan ang mga oportunidad sa kanilang larangan.
Kapwa batikang voice talent sina Inka at Lindy, na nakapagtrabaho na sa iba’t ibang commercial campaign at advertisement para sa mga brand.

