HBO’s ‘Crazy Rich Asians,’ may global casting call para sa dalawang bagong karakter
Kimberly Asis /Sari Story News
November 4, 2026 at 10:51:13 AM
Nagbukas ng global casting call ang paparating na HBO series na “Crazy Rich Asians” para sa dalawang mahahalagang karakter na sina Posy at William, bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng kuwentong unang napanood sa hit film noong 2018.
Magkakaroon ng walong episodes ang sequel series na magpapatuloy sa kuwento matapos ang mga pangyayari sa orihinal na pelikula, na hango sa bestselling novel ni Kevin Kwan.
Tumatanggap na ngayon ng audition submissions ang Firefly Casting. Ibinahagi rin nina Kwan at screenwriter Adele Lim ang anunsyo tungkol sa casting sa kani-kanilang social media account.
Batay sa opisyal na paglalarawan sa mga karakter, naghahanap ang production team ng mga artistang kayang bigyang-buhay ang dalawang personalidad na magkaiba ang karakter.
Una rito si Posy, isang babaeng nasa edad 30 at may lahing East Asian na inilalarawan bilang "beautiful, glamorous, and brazenly ambitious."
Dating socialite at social climber si Posy na kasalukuyang hinaharap ang mga naging bunga ng bigong pagpapakasal sa isang kilalang tycoon. Gayunman, hindi ito naging hadlang upang manatili siyang matapang at palaban.
Sa kabila ng kanyang sitwasyon, nananatili siyang marangya, walang pakialam sa sasabihin ng iba, at hindi nahihiyang ipakita kung sino siya. Matindi rin ang paghahangad niya sa kayamanan, mataas na katayuan sa lipunan, at atensyon ng ibang tao.
Inilalarawan din ang karakter bilang kombinasyon ng pagiging mapangahas, mapagkalkula, at sa kabila ng lahat, may kakaibang karisma na madaling magustuhan.
Ang mga interesadong gumanap bilang Posy ay kailangang matatas sa English at may kaalaman sa Mandarin.
Samantala, ang ikalawang karakter na hinahanap ng production team ay lalaki na gaganap bilang William, isang Chinese man na nasa edad 20 at anak ng isang bilyonaryong nagmamay-ari ng malaking negosyo sa real estate sa Shanghai. Inilalarawan siya bilang isang guwapo at charismatic.
Isa siyang kaakit-akit at mayamang tagapagmana na mahilig sa mga kapanapanabik na karanasan at may makulit at mapaglarong personalidad. Gayunman, sa likod ng kanyang pagiging palabiro at tila walang inaalalang problema, mayroon siyang bukas na puso at tunay na hangaring magkaroon ng malalim na koneksiyon sa ibang tao.
Ang mga inbidwal nais gumanap bilang William ay kailangang matatas sa English at marunong makipag-usap sa Mandarin.
Bukas ang casting call sa mga aspiring actor mula sa iba't ibang panig ng mundo. Maaaring tingnan ng mga interesadong aplikante ang submission guidelines ng Firefly Casting, na naglalaman ng mga tagubilin para sa self-tape at audition scenes para sa bawat karakter.
Ayon sa anunsyo, hanggang Nobyembre 30, 2026 ang panahon ng pagsusumite ng aplikasyon, habang Disyembre 1, 2026, alas-4 ng madaling-araw ang opisyal na deadline.
Samantala, inaasahan ding magbabalik sa serye ang ilang miyembro ng orihinal na cast, batay sa mga naunang ulat.
Muling gagampanan ni Constance Wu ang kanyang karakter bilang Rachel Chu, habang babalik din sina Henry Golding bilang Nick Young at Ronny Chieng bilang pinsan ni Nick na si Eddie Cheng. Muli ring mapapanood si Michelle Yeoh bilang Eleanor Young, ang istriktong ina ni Nick.
Muling magsasama-sama para sa serye ang creative team sa likod ng pelikulang ipinalabas noong 2018. Magsisilbing showrunner at executive producer si Adele Lim, na kapwa sumulat ng screenplay ng orihinal na pelikula.
Ipagpapatuloy ng HBO series ang kuwento matapos ang mga pangyayari sa 2018 film, na umikot sa buhay ni Rachel Chu (Wu), isang economics professor na nakabase sa New York. Nagpunta siya sa Singapore kasama ang kanyang nobyong si Nick Young (Golding), ngunit doon niya natuklasang kabilang pala ito sa isa sa pinakamayayamang pamilya sa bansa.
Nagkaroon din ng maikling paglabas sa pelikula ang Filipina actress na si Kris Aquino bilang si Princess Intan.

