Han So-hee at Rain, makakasama ni Byeon Woo-seok sa ‘Solo Leveling’ ng Netflix
Kimberly Asis / Sari Story News
October 13, 2026 at 3:27:12 AM
Inanunsyo ng Netflix ang mga bagong mga artistang makakasama sa cast ng nalalapit nitong live-action adaptation ng “Solo Leveling.”
Makakasama ng lead actor na si Byeon Woo-seok, na mas nakilala sa seryeng “Lovely Runner,” ang ilan sa mga batikang Korean star. Kabilang sa mga bagong inanunsiyong miyembro ng cast sina Han So-hee, Kang You-seok, Sung Joon, Lee Sung-min, at Jung Ji-hoon, na mas kilala sa pangalang Rain.
Iikot ang kuwento kay Sung Jin-woo (ginagampanan ni Byeon), isang Hunter na nagsimula bilang pinakamahina sa kanilang lahat. Matapos ang isang karanasang muntik nang ikamatay niya, nagising ang nakatagong kapangyarihan ni Jin-woo at unti-unti siyang naging pinakamalakas na Hunter sa buong mundo. Habang lumalakas ang kaniyang kakayahan, humaharap siya sa mapanganib na mga halimaw at masasamang puwersang lumalabas mula sa misteryosong mga portal na nagbabanta sa sangkatauhan.
Gagampanan ni Han So-hee, na nakilala sa “My Name” at “Gyeongseong Creature,” ang karakter ni Cha Hae-in, ang nag-iisang babaeng S-rank Hunter. Isang mahusay na mandirigma na nagmomotorsiklo at gumagamit ng mahabang espada, kilala si Cha sa kaniyang husay sa pakikipaglaban. Kapansin-pansin ang pagkakahawig ni Han sa karakter, gayundin ang kaniyang karanasan sa mga proyektong nangangailangan ng mga eksenang aksiyon, kaya inaasahang magiging mahalagang dagdag siya sa cast.
Samantala, bibigyang-buhay ni Kang You-seok, na gumanap sa “Resident Playbook,” ang karakter ni Yoo Jinho. Isa siyang C-rank Hunter at pangalawang anak ng mayamang pamilya sa likod ng Yoojin Group. Makakasama niya si Jin-woo sa isang misyon sa piitan o dungeon.
Gagampanan naman ni Sung Joon, na kabilang sa mga proyekto ang “The Fiery Priest 2” at “Island,” ang karakter ni Woo Jinchul. Isa siyang A-rank Hunter at punong inspektor ng Surveillance Team ng Korean Hunters Association. Tungkulin niyang subaybayan ang mga Hunter, at siya rin ang unang naghinalang nagising ang mga bagong kapangyarihan ni Jin-woo.
Dalawa pang kilalang artista ang mapapanood sa mga espesyal na papel. Bibigyang-buhay ni Lee Sung-min, na nakilala sa “Teach You a Lesson,” si Go Gunhee, isang retiradong Hunter na kabilang sa pinakamataas na antas ng kakayahan at nagsisilbing chairman ng Korean Hunters Association.
Magkakaroon din ng special appearance si Jung Ji-hoon, na mas kilala bilang Rain at naging bahagi ng “Full House” at “Bloodhounds Season 2.” Gagampanan niya si Baek Yoonho, isang S-rank Hunter na may kakayahang mag-anyong hayop.
Ang nalalapit na serye ng Netflix ay panibagong pagpapalawak sa prangkisa ng “Solo Leveling,” na nagsimula bilang isang web novel bago sumikat sa buong mundo sa pamamagitan ng webtoon, animated series, at mga video game. Sa paglipat nito sa live-action na format, mas maipakikilala ang kuwento ni Jin-woo at ang mundo ng mga Hunter sa mas malawak na audience.
Nakamit din ng anime adaptation ng “Solo Leveling” ang malaking pagkilala, kabilang ang mga parangal sa 2025 Crunchyroll Anime Awards. Naging kauna-unahang Korean animation ito na nagwagi sa siyam na pangunahing kategorya, kabilang ang Anime of the Year, Best Action, at Best Character.

