Gelli de Belen, walang kinakampihan sa isyu nina Jennylyn Mercado at Patrick Garcia
Kimberly Asis / Sari Story News
October 13, 2026 at 11:28:49 AM
Nilinaw ni Gelli de Belen na hindi niya intensiyong kumampi sa alinmang panig sa isyung kinasasangkutan nina Jennylyn Mercado at Patrick Garcia nang magbigay siya ng komento sa programang “Chika Cart” ng GTV. Ayon sa aktres, ang pangunahing layunin niya ay bigyang-pansin ang kapakanan ng mga batang apektado ng sitwasyon.
YOUTUBE / Wala Pa Kaming Title
Nilinaw ni Gelli de Belen na hindi niya intensiyong kumampi sa alinmang panig sa isyung kinasasangkutan nina Jennylyn Mercado at Patrick Garcia nang magbigay siya ng komento sa programang “Chika Cart” ng GTV. Ayon sa aktres, ang pangunahing layunin niya ay bigyang-pansin ang kapakanan ng mga batang apektado ng sitwasyon.
Sa isang episode ng podcast na “Wala Pa Kaming Title,” kasama ang kapwa aktres na sina Carmina Villarroel at Candy Pangilinan, gayundin ang kanyang kapatid na si Janice de Belen, diretsahang sinagot ni Gelli ang mga batikos na natanggap niya kaugnay ng kanyang naging pahayag.
Paliwanag ni Gelli, guest siya sa naturang programa upang i-promote ang kanyang pelikulang “Mantsa.” Aniya, bahagi ng format ng palabas ang pagbibigay ng reaksyon ng mga bisita sa mga isyung inilalahad ng mga host.
“Ang premise ng interview that day was pag-open ng show, nasa panel ang mga bisita, which was me at that time. So ang ginawa ng hosts, in-introduce nila ako, meron silang issue na pinakita. Pagbalik sa panel, magre-react,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng aktres, hindi naman siya tinanong ng mga partikular na detalye tungkol sa mga taong sangkot o sa dahilan kung bakit nangyari ang isyu.
“And ang tinanong sa akin, ‘Anong masasabi mo sa nangyayari?’ Hindi ako tinanong ng mga specific questions about whoever's involved and why it happened. Basta, yung video was actually really about kung ano yung nakita ko at kung ano ang reaksyon ng mga tao doon sa interview at sa video,” aniya.
Ayon kay Gelli, dahil sa tindi ng naging reaksyon ng publiko, mas pinili niyang ituon ang kanyang pansin sa mga batang posibleng maapektuhan ng sitwasyon.
“So, siyempre, ang konteksto ko nito, eh, yung reaksyon ng mga tao na talagang very violent and all that. So, natural, may mga batang involved. Ang una kong pinuntahan ay kung paano natin ma-save ang mga bata sa ganitong klaseng pangyayari,” dagdag niya.
Nang tanungin naman ni Carmina kung ang tinutukoy niyang mga bata ay mula sa dalawang pamilyang sangkot, nilinaw ni Gelli na lahat ng batang apektado ang kanyang pinoproblema.
“Of course. That's why I said, mga bata. Parehong pamilya. Anybody in general. Basta't yung mga batang involved,” sagot niya.
Binigyang-diin din ni Gelli na wala siyang personal na kinalaman sa naturang isyu at hiniling lamang sa kanya na magbigay ng komento habang pino-promote ang kanyang pelikula. Aniya, nakaimpluwensiya sa kanyang pananaw ang sarili niyang karanasan bilang isang ina, gayundin ang mga pagkakataong nasaksihan niya kung paano naapektuhan ang mga bata ng paghihiwalay ng kanilang mga magulang at ng pagiging single parent.
“Bilang ina. At saka bilang someone who has seen the effects of this. Bilang someone who is close to many, many people who have gone and are still going through this. Sabihin na natin, mention na natin na single parents, parents who are separated, lahat yan, nakita ko 'yan,” pagbabahagi niya.
Muli ring iginiit ni Gelli na wala siyang kinakampihan sa dalawang panig, maging noong araw na nagbigay siya ng komento sa programa.
“Wala po akong kinakampihan or kinampihan even on that very day at that very time,” diin niya.
Para kay Gelli, walang masama sa pagpapahayag ng pag-aalala sa magiging epekto ng isang sitwasyon sa mga bata. Aniya, ito lamang ang nais niyang bigyang-diin sa kanyang naging pahayag.
“And, even at this point in time, feeling ko naman, wala namang masama na maging concerned tayo sa magiging effect nito sa mga bata. Ayun ang pinaka-goal ko lang,” aniya.
“I do not have ill will towards anybody. I know I meant well. Thank you and goodbye,” dagdag pa ng aktres.
Naging emosyonal si Gelli sa pagtatapos ng kanyang paglilinaw at sinabing, “Pero, ayun lang, 'yun lang ang focus ko.”

