top of page

Fino Herrera, inakusahan ng dating nobya ng emosyonal at pinansyal na pang-aabuso

Kimberly Asis / Sari Story News

November 27, 2026 at 1:56:28 PM

Larawan ni Fino Herrera.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Fino Herrera.

INSTAGRAM / Fino Herrera

Nahaharap sa mga alegasyon ng pagsasamantala sa pananalapi, pananakot, at pisikal at emosyonal na pang-aabuso ang aktor na si Fino Herrera mula sa dati niyang nobya na si Armaine Nagaño.


Inakusahan ni Nagaño si Herrera ng pagdepende sa kaniya pagdating sa pera, pagpaparamdam sa kaniya na hindi siya ligtas sa sarili niyang tahanan, at pagbabanta na ilalabas ang isang pribadong video na kinasasangkutan nilang dalawa.


Sa mga screenshot ng kaniyang pakikipag-usap sa mga security personnel ng condominium, humingi ng tulong si Nagaño upang makakuha ng CCTV footage sa ika-25 palapag, kung saan matatagpuan ang kaniyang unit.


Ayon kay Nagaño, pumasok si Herrera sa kaniyang tirahan nang walang pahintulot, sinira ang ilan sa kaniyang mga gamit at naging marahas sa naturang insidente.


Sa salaysay ni Nagaño, nagbanta si Herrera na susuntukin siya, kinuha ang kaniyang cellphone at tumangging isauli ito o umalis sa kaniyang tahanan sa kabila ng paulit-ulit niyang pagpapaalis dito. Sinabi rin niyang nagbanta ang aktor na ilalabas ang isang intimate video na umano'y kinunan nito isang linggo bago ang insidente.


Sinabi ni Nagaño na nais niyang magsampa ng police report ngunit wala siyang recording ng nangyari. Umaasa siyang nakunan ng CCTV cameras ng condominium ang naturang insidente.


Sa isang Instagram post na binura na kalaunan, sinabi ni Nagaño na ilang buwan siyang nanahimik tungkol sa kanilang relasyon ngunit nagpasya rin siyang magsalita at panagutin ang dating nobyo.


"I exposed someone I used to care about with every fiber of my being. He did me wrong in so many ways — financially exploited me, emotionally abused me, violated my everything," aniya.


"He expected me to just shut up and move on, to take everything he threw at me and never say a word. I held it for months, but I shouldn't deny myself just for him not face accountability and consequence," dagdag pa niya.


Iginiit din ni Nagaño na patuloy siyang hina-harass ni Herrera matapos niyang magsalita sa publiko tungkol sa kanilang relasyon.


Isa-isa rin niyang inilahad ang mga gastusing umano'y sagot niya para sa pagsali ni Herrera sa mga kompetisyon ng HYROX, kabilang ang mga tiket sa event, pamasahe sa eroplano at hotel accommodation sa Bangkok at Singapore.


Ayon pa kay Nagaño, siya rin ang nagbayad ng tiket ng isa pang kalahok para sa doubles competition nila ni Herrera, gayundin ng tiket para sa isang HYROX event sa China, kahit hindi naman nagtungo roon ang aktor.


"Imagine depending on your partner for everything as a grown ass man and failing to reciprocate even the barest fucking minimum. SHAME."


Dagdag pa ni Nagaño, siya rin umano ang gumastos para sa training programs, gym memberships at ISCI training ni Herrera, na nagkakahalaga raw ng libo-libong piso.


Sinabi rin niyang nakatira si Herrera sa kaniyang bahay nang walang binabayarang upa o mga bayarin sa bahay, habang siya rin ang sumasagot sa pagkain at parking expenses ng aktor.


Ayon kay Nagaño, patuloy pa rin umanong humihingi ng tulong pinansyal si Herrera kahit naghiwalay na sila. Ibinahagi rin niyang binayaran niya ang bahagi ng aktor sa nakatakda nitong Christmas trip sa Hong Kong kasama ang pamilya sa susunod na buwan.


"And that's only the financial part. Just to have the audacity to come here last night, make me feel unsafe in my own home," diin niya.


"That's not even all the money part of this. On top of the emotional, physical, psychological... And his excuse, what? It was 'before' pa?" dagdag pa niya.


Ibinahagi rin ni Nagaño na dalawang beses siyang nabuntis sa panahon ng kanilang relasyon. Sa pag-alala niya sa una niyang pagbubuntis noong 2025, sinabi niyang unang itinanong umano ni Herrera, "Kailan mo ipapatanggal yan?"


Ikinuwento rin niya ang ikalawa niyang pagbubuntis noong 2026, nang magkasama na silang nakatira. Ayon kay Nagaño, nahirapan siyang isipin kung paano niya susuportahan ang sarili, si Herrera at ang magiging anak nila.


"I chose him. I chose wrong," malungkot niyang pahayag.


Unang pumasok sa showbiz si Herrera noong 2019 sa pamamagitan ng seryeng "Mga Batang Poz." Kalaunan, lumabas din siya sa ilang proyekto, kabilang ang "Parasite Island," "Marry Me, Marry You," at "Here Comes the Groom."


Sa ngayon, wala pang inilalabas na pampublikong pahayag si Herrera bilang tugon sa mga alegasyon ni Nagaño.

bottom of page