Fil-Am actor na si JB Tadena, kabilang sa cast ng ‘The Pitt’ Season 3
Sari Story
September 4, 2026 at 10:14:35 AM
Makakasama ang Filipino-American actor na si JB Tadena sa recurring cast ng ikatlong season ng medical drama ng HBO Max na “The Pitt,” kung saan gaganap siya bilang Dr. Reed Thomas, isang doktor sa fictional na ospital ng Pittsburgh Trauma Medical Center (PTMC).
Ayon sa Deadline, ang 43-anyos na aktor ay isa sa pitong bagong makakasama sa recurring cast ng Season 3, kasama sina Stephen Chang, Barry Clifton, Chris Diamantopoulos, Lawrence Kao, Brent Sexton, at Hannah Ware.
Sa pagpasok ni Tadena, lalo pang madaragdagan ang Filipino representation sa serye. Tampok sa unang dalawang season ang mga Filipino actor na sina Isa Briones, Amielynn Abellera, at Kristin Villanueva, at sa pagdagdag kay Tadena ay magpapatuloy ang presensya ng mga Pilipino sa kinikilalang medical drama.
Ibinahagi ni Tadena ang kanyang saya sa pagkakasama sa cast sa isang mapagbirong social media post, kung saan nagbahagi siya ng screenshot ng anunsyo.
“Playing a pretend doctor so my family will be pretend proud of me lol but no I’m really fortunate,” ani Tadena.
Binati rin niya ang isa pang bagong cast member na si Lawrence Kao.
“Also @iamlawrencekao is very handsome and has gorgeous hair,” biro niya.
Nakasentro sa PTMC ang kwento ng “The Pitt,” na sinusundan ang mga doktor, nurse, at iba pang healthcare worker habang hinaharap nila ang mabibigat na duty sa ospital, kasabay ng kanilang mga personal na problema, tensyon sa trabaho, at emosyonal na hamon sa pag-aalaga ng mga pasyente.
Nakatanggap na ng malalaking pagkilala ang serye mula nang una itong ipalabas, kabilang ang mga parangal mula sa Actors Awards at Golden Globe Awards. Nakatanggap din ang ikalawang season nito ng ilang Emmy nominations, habang nakatakda ang awards ceremony sa Setyembre 14.
Ipinanganak at lumaki sa Los Angeles, California si Tadena at anak siya ng mga Pilipinong imigrante.
Kabilang sa mga dati niyang TV show ang “Kung Fu” at “The Cleaning Lady.” Tampok din sa huli ang mga Filipino actor na sina Martha Millan, Alain Uy, Khalen Roman Sanchez, Princess Punzalan, at Lea Salonga. Lumabas din si Tadena bilang Nurse Adam sa Season 10, Episode 18 ng medical drama na “Grey’s Anatomy.”
May panibagong proyekto ring madaragdag sa listahan ng mga nagawa ni Tadena sa kanyang nalalapit na paglabas sa Netflix film na “The Further Mis-Adventures of Cliff Booth,” na pinagbibidahan ni Brad Pitt at idinidirek ni David Fincher.
Eksklusibong ipapalabas ang pelikula sa mga IMAX theater sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa loob ng dalawang linggo simula Nobyembre 25, bago ito maging available sa Netflix sa Disyembre 23.
Nakatakdang ipalabas ang Season 3 ng “The Pitt” sa Enero 2027.

