top of page

FAMAS, nilinaw ang pagkakaiba ng mga parangal nina Maricel Soriano at Maris Racal

Kimberly Asis / Sari Story News

October 29, 2026 at 9:40:01 AM

Larawan ni Maricel Soriano at Maris Racal.

Larawan kuha mula sa Facebook account ng FAMAS.

FACEBOOK / FAMAS

Nilinaw ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) ang pagkakaiba ng Best Actress Award at Actress of Distinction Award matapos magdulot ng kalituhan ang pagkilala kina Maricel Soriano at Maris Racal sa 74th FAMAS Awards.


Noong Martes, naiuwi ni Soriano ang Best Actress award para sa kanyang pagganap sa family drama na “Meet, Greet & Bye,” habang pinarangalan naman si Racal bilang Actress of Distinction para sa kanyang papel sa coming-of-age sports drama na “Sunshine.” Dahil sa anunsyo, inakala ng ilang tagahanga na tabla ang dalawang aktres sa kategoryang Best Actress.


Sa pahayag na inilabas nitong Miyerkules, Oktubre 28, ipinaliwanag ng FAMAS na kinikilala ng dalawang parangal ang magkaibang aspeto ng kahusayan sa pag-arte at hindi nilalayong paghambingin ang dalawang aktres o ituring na mas nakahihigit ang isa sa kabila.


Isinasaalang-alang sa Best Actress Award hindi lamang ang pagganap ng isang aktres sa isang partikular na pelikula kundi pati ang kabuuan ng kanyang mga nagawa at ambag sa sining.


Ayon sa FAMAS, ang parangal ay kinikilala "not only the excellence of an actress in a particular film but also the depth, maturity and cumulative artistic achievements that lend greater significance to her performance.”


Sinabi ng organisasyon na taglay ni Soriano ang mga katangiang ito, na makikita sa kanyang malawak na karanasan sa pagganap ng iba’t ibang karakter sa sari-saring genre ng pelikula at sa iba’t ibang henerasyon.


Kilala bilang “Diamond Star,” pinuri ang beteranong aktres dahil sa patuloy na kahusayan sa pag-arte, makatotohanang pagpapahayag ng damdamin, at pangmatagalang ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino. “In this regard, Maricel Soriano exemplifies the very essence of this recognition,” ayon sa FAMAS.


Samantala, hindi tulad ng Best Actress Award, nakatuon ang Actress of Distinction Award sa natatanging artistikong halaga ng isang pagganap, sa halip na sa pinagsama-samang mga nagawa ng isang aktres sa buong karera niya.


Ipinaliwanag ng FAMAS na ang parangal ay “recognizes a singular performance of exceptional artistic merit — one that demonstrates extraordinary depth, originality, emotional conviction, and an unmistakable impact on the cinematic experience.”


Iginawad kay Racal ang pagkilala para sa kanyang pagganap sa “Sunshine,” na pinuri ng FAMAS dahil sa husay nito sa sining at lalim ng damdaming ipinamalas. Inilarawan ang kanyang pagganap bilang isang papel na nagpakita ng “remarkable courage, sensitivity, and artistic maturity.”


“It is a singular performance of such distinctive quality that it merits recognition in its own right, independent of the cumulative achievements traditionally considered in the Best Actress category,” ayon sa organisasyon.


Binigyang-diin ng FAMAS na hindi magkatunggaling parangal ang dalawang pagkilala at hindi dapat ituring na sukatan kung sino sa dalawang aktres ang mas mahusay.


“Rather, they celebrate two equally important dimensions of cinematic excellence: the enduring brilliance of an actress’s collective artistry and the extraordinary power of one unforgettable performance,” ayon sa mga organizer.


Dagdag pa ng organisasyon, ang paghihiwalay sa dalawang kategorya ay nagbibigay-daan upang mas tumpak at patas na kilalanin ang magkakaibang uri ng tagumpay sa pag-arte nang hindi nababawasan ang halaga ng nakamit ng alinman sa dalawang aktres.


“FAMAS believes that excellence in acting cannot be measured through a single standard alone. Some artists distinguish themselves through a remarkable legacy of performances, while others deliver a singular portrayal so exceptional that it deserves its own special recognition,” dagdag pa sa pahayag.


“Maricel Soriano represents the enduring excellence of distinguished body of work. Maris Racal represents the extraordinary brilliance of a singular, distinctive performance."


Sa pagtatapos ng pahayag, iginiit ng FAMAS na kapwa karapat-dapat sina Soriano at Racal sa kani-kanilang parangal.


“Both are deserving of recognition. Both embody excellence. Both are truly Pang-FAMAS.”


Ito na ang ikatlong pagkakataong nanalo si Soriano ng FAMAS Best Actress Award. Una niyang natanggap ang parangal noong 1996 para sa pelikulang “Rage” at muli noong 2000 para sa “Soltera.”


Para naman kay Racal, ang Actress of Distinction Award ang una niyang nominasyon at panalo sa naturang pagkilala. Kamakailan lamang ay naiuwi rin niya ang Best Actress award sa Gawad Urian Awards, tatlong linggo bago ang seremonya ng FAMAS.


Kabilang din sa mga nagwagi sa 74th FAMAS Awards si McCoy De Leon, na tinanghal na Best Actor para sa “In Thy Name.” Si Ceasar Soriano, isang dating news reporter na naging direktor at producer, naman ang nagwagi bilang Best Director para sa parehong pelikula.


Samantala, naiuwi nina Karylle at Mon Confiado ang Best Supporting Actress at Best Supporting Actor awards, para sa “Quezon,” habang tinanghal namang Best Child Performer si Anica Co para sa “Sunshine.”

bottom of page