Espesyal na edisyon ng ‘Classic Darna #1’ ilalabas sa SuperManila Comic Con
Sari Story
September 2, 2026 at 10:12:53 AM
MAYNILA – May pagkakataon na ang mga tagahanga ng klasikong Pinoy komiks na magkaroon ng isang bahagi ng kasaysayan kapag inilabas na ang espesyal na edisyon ng komiks ni Mars Ravelo na “Darna” sa SuperManila Comic Con 2026.
Ang “Classic Darna #1” ay naglalaman ng mga kuwento mula sa mga pinakaunang paglabas ng karakter sa komiks, kabilang ang unang pagpapakilala at origin story ni Darna. Sa halip na maghatid ng bagong kuwento o makabagong bersyon, muling inilimbag sa koleksiyon ang mga orihinal na materyal na tumulong upang maging isa sa mga pinakakilalang cultural icon ng Pilipinas si Darna.
Sa ilalim ng obra ni Mars Ravelo, na tinaguriang “King of Pinoy Komiks,” unang lumabas si Darna sa Pinoy Komiks noong 1950. Malaki rin ang naging papel ng kilalang Filipino artist na si Nestor Redondo sa paghubog ng iconic na itsura ni Darna. Tampok ang kanyang mga ilustrasyon sa mga reprinted stories.
Binigyan naman ng makabagong hubog ang Darna edition para sa SuperManila sa pamamagitan ng cover artwork ng internationally renowned artist na si Stanley “ARTGERM” Lau, na nagbigay kay Darna ng panibagong itsura habang nananatiling orihinal ang mga kuwento at artwork sa loob ng komiks.
May dalawang edisyon na maaaring pagpilian ang collectors at fans, na kapwa limitado sa 1,000 kopya. Ang Full-Color Virgin Cover Edition ay nagkakahalaga ng ₱1,000 at may makulay na cover, habang ang Sepia-Cover Edition (Original Look) ay nagkakahalaga ng ₱800 at may sepia cover at black-and-white na mga pahina sa loob. Bawat kopya ay may kasama ring eksklusibong Darna trading card.
Kasama rin sa lineup ang “Ang Kaluluwa ni Dante,” isa pang klasikong obra ng isa sa mga higante ng Philippine comics na si Francisco V. Coching. Kilala rin bilang “Dean of Filipino Illustrators,” unang ginawang serye ni Coching ang comic book story noong 1949. Patungkol ito kay Dante Magtanggol at sa kaniyang paglalakbay na umiikot sa hustisya, redemption, at labanan ng kabutihan at kasamaan.
Ang SuperManila edition ay ilalabas na may 116-page softcover, na may orihinal na black-and-white format upang mapanatili ang artwork ni Coching. Tanging 300 kopya lamang ang ihahatid sa publiko, sa halagang ₱1,000 bawat isa.
Eksklusibo namang ibebenta ang “Darna” at “Ang Kaluluwa ni Dante” sa SMCC merchandise booth sa SuperManila Comic Con 2026, na gaganapin mula Setyembre 4 hanggang 6 sa The Concourse at SPACE at One Ayala sa Makati City.

