Direktor ng ‘Wantawsan’, humanga sa pagiging propesyonal ni Joross Gamboa
Kimberly Asis / Sari Story News
September 28, 2026 at 11:32:21 AM
Pinuri ni Joseph Abello, direktor ng “Wantawsan,” si Joross Gamboa dahil sa kanyang pagiging propesyonal at collaborative sa isang talkback session matapos ang screening ng pelikula.
“For me sobrang thank God na tinanggap ni Joross kasi I couldn't imagine other actors doing it,” ani Abello. Pinuri rin ni Abello si Joross, 41, sa kanyang pagganap, kabilang na ang kanyang mga ad-lib.
“Sobrang great maka-work si Joross. Sobrang professional. Sobrang good. Di ko alam kung napansin ninyo ang dami ng ad lib dito,” aniya.
“Even si Rita, iyong, ‘ano ba ‘to hindi masara tong tumbler mo,’ ay ad lib. Ang dami ng ad lib. Bago nila makuha ‘yung sardinas, adlib lang [ni Joross] iyong 'narinig ba niya tayo?’ Tapos parang I thought it's so brilliant.”
Ipinaliwanag din ni Abello na gusto niyang magdala ang aktor at komedyante ng kaunting gaan sa kuwentong tumatalakay sa mas mabibigat na tema.
“We chose Joross kasi I really want this to be light. Kasi feeling ko mabigat na sya as is. So gusto ko na may certain lightness,” aniya.
Nakatulong din sa produksyon ang karanasan ni Joross bilang direktor. Ayon kay Abello, dati nang nagdirek ang aktor ng pelikulang “Allergy in Love” at nagbigay din siya ng sariling mga ideya tungkol sa mga kuha at iba pang aspeto ng proyekto.
“May director's mind din siya na may mga shots din siya na inisip and all.”
“I told Joross, masyado malaki ang acting mo. Masyadong malaki. Kasi sanay tayo kay Joross sa Star Cinema, ‘di ba malaking acting,” pagbabahagi niya.
Sumang-ayon si Joross na baguhin ang kanyang pag-arte, ngunit ipinaliwanag niya kung bakit sa tingin niya ay mas bagay sa karakter ang mas malaking paraan ng pagganap.
“‘Sige direk babaan ko. Pero direk, ang mga mahihirap, normally malaki talaga silang kumilos,’” kuwento ni Abello na sinabi sa kanya ni Joross.
Para kay Abello, ipinakita ng kanilang pag-uusap ang pag-unawa ni Joross sa mga karakter at karanasan ng mga Pilipinong kanyang ginampanan.
Nang tanungin kung epektibong naipakita ni Joross ang mga paghihirap ng mga taong nagsisikap pagkasyahin ang ₱1,000 para matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, puro papuri ang ibinigay ni Abello sa aktor.
“Yes. Joross is a very good actor. He's a very good actor and sobrang collaborative niya.”
Ang “Wantawsan” ay isa sa pitong opisyal na full-length entries sa 2026 Puregold CinePanalo Film Festival, kasama ang “Patay Gutom (Dead Hungry),” “Multwoh (Patay na Patay sa ’Yo),” “Stuck on You,” “Apol of My Ai,” “Beast,” at “Mono No Aware.”
Pinangunahan ni Joross ang dramedy at slice-of-life film kasama sina Rita Daniela, Alwyn Uytingco, at child actor Zion Cruz. Ginampanan niya si Chito, isang pamilyadong taong kapos sa pera na nakatanggap ng sardinas at isang halaga ng pera mula sa bagong halal na lokal na mayor na sinuportahan niya noong eleksyon.
Ang simpleng pagbili lang sana ng pagkain para sa kaarawan ng kanyang anak ay nauwi sa magulong sitwasyon na tumatalakay sa kahirapan, pulitika, korapsyon, at sakripisyo ng isang magulang para sa pamilya.

