top of page

Dionela, nag-uwi ng apat na tropeo sa 2026 Awit Awards

Kimberly Asis / Sari Story News

September 17, 2026 at 10:11:30 AM

Litrato ni Dionela.

Isang screenshot ng larawan mula sa Instagram account ng Awit Awards.

INSTAGRAM / Awit Awards

Ang R&B singer na si Dionela ang itinanghal na may pinaka madaming panalo sa 39th Awit Awards, matapos mag-uwi ng apat na tropeo para sa “Ikigai,” ang kanyang collaboration kasama ang rapper na si Loonie. Idinaos ang 39th Awit Awards noong Martes, Setyembre 15, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.


Napanalunan ng singer-songwriter ang Best R&B Recording, Best Rap/HipHop Recording, Best Collaboration Performance, at Best Vocal Arrangement para sa naturang awitin.


Ipinagdiwang ni Dionela ang mahalagang tagumpay na ito sa Instagram sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanyang pasasalamat. “Last night I received all of these. The trophies have my name, but the story belongs to God,” isinulat niya.” isinulat niya.


Kabilang din ang IV of Spades sa mga pangunahing nagwagi ng gabi, matapos makatanggap ng tatlong parangal. Ang ikalawang studio album ng banda na “Andalucia” ay nanalo ng Album of the Year, habang ang single nitong “Aura” ay itinanghal na Song of the Year. Nakatanggap din ang IV of Spades ng Best Sound Engineer Recording para sa kantang “Monster.”


Tatlong parangal din ang naiuwi ng SB19 para sa kanilang hit song “Dungka,” na nanalo ng Best Pop Recording, Best Dance/Electronic Recording, at Best Music Video. Samantala, ang lider ng grupo na si Pablo ay kinilala bilang Songwriter of the Year para sa kanyang kontribution kasama ang musical duo na Radkidz.


Dalawang parangal naman ang natanggap ng Ben&Ben para sa “Saranggola,” matapos manalo ng Best Performance by a Group at Best Musical Arrangement. Nagwagi rin ng dalawang parangal si Janine Berdin, na nag-uwi ng Best Performance by a Solo Artist at Best Ballad Recording para sa “What If I Miss You for the Rest of My Life.”


Kabilang sa iba pang pangunahing parangal ang Record of the Year para sa “Pag-ibig ay Kanibalismo II” ng Fitterkarma, Best Inspirational Recording para kay Ice Seguerra, Best Original Soundtrack para kay Morissette, Best New Artist para kay Nicole, at Producer of the Year para kay Brian Lotho.


Nagkaroon din ng mga live performance sa taunang seremonya mula kina Maki, Janine Berdin, IV of Spades, Marina Summers, at Shockra.


Dumalo sa nasabing okasyon ang ilang kilalang personalidad sa OPM, kabilang sina Jose Mari Chan, Regine Velasquez-Alcasid, Ogie Alcasid, Jim Paredes ng APO Hiking Society, James Reid, Gloc-9, SexBomb Girls, at si Catriona Gray, na kabilang sa mga award presenters o nag-abot ng parangal.

bottom of page