top of page

Dennis Trillo, pinuna ang event organizer dahil sa props na nagpapakita ng childhood abuse ni Jennylyn Mercado

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 8, 2026 at 10:22:35 AM

Larawan ni Jennylyn Mercado at ni Dennis Trillo

“Sa mga hindi nakakaalam, yung naka-headline na batang binugbog ay yung asawa ko. Tama ba naman na yun pa ang ilagay niyo?” ani ni Dennis trillo

Larawan galing sa Instagram account ni Dennis Trillo

Nagpahayag ng pagkadismaya si Dennis Trillo noong Nobyembre 5 matapos matuklasan na ginamit ng event styling company na Party Magic ang lumang headline mula sa isang tabloid tungkol sa kanyang asawang aktres na si Jennylyn Mercado bilang bahagi ng mga dekorasyon sa isang party ng mga bata.


Iniulat sa naturang sipi ng pahayagan ang pang-aabusong naranasan ni Mercado noong bata pa siya. Dahil dito, kinuwestiyon ni Trillo kung bakit inilagay ng organizer ang isang sensitibong bahagi ng nakaraan ng kanyang asawa sa isang pagdiriwang.


Sa isang Facebook post, sinabi ni Trillo na sinubukan niyang kontakin nang pribado ang Party Magic ngunit hindi siya nakatanggap ng tugon, kaya nagpasya siyang direktang magsalita tungkol dito sa publiko.


“Hindi ko lang mapigilang mag-react dito, tutal ayaw niyo sumagot sa tawag ko… sige dito tayo mag-usap,” isinulat ni Trillo.


Direkta niyang kinuwestiyon ang desisyon ng kumpanya na gamitin ang partikular na kopya ng tabloid, lalo na't para ito sa isang event na nakalaan sa mga bata.


“Party Magic, bakit niyo naman napiling gamitin ito mismong kopya ng tabloid na ito? Sa theme ng children’s party pa ha? Paki-paliwanag please,” dagdag niya.


Ipinaalala rin ni Trillo sa publiko ang personal na kahulugan ng headline, at binigyang-diin na si Mercado mismo ang batang inabuso na tinukoy sa ulat.


“Sa mga hindi nakakaalam, yung naka-headline na batang binugbog ay yung asawa ko. Tama ba naman na yun pa ang ilagay niyo?” aniya.


Humingi ng paumanhin sa publiko ang Party Magic


Kasunod ng batikos, naglabas ng pampublikong pahayag ang Party Magic noong Nobyembre 6 upang humingi ng paumanhin kina Trillo, Mercado, at sa kanilang pamilya dahil sa pagsama ng naturang tabloid sa mga dekorasyon.


Ipinaliwanag ng kumpanya na hindi sinasadyang naisama ang kopya ng pahayagan. Ayon dito, ginamit ang mga lumang materyales mula sa mga pahayagan bilang pandekorasyong props para sa event.


Gayunman, kinilala ng kumpanya na hindi dapat ipinakita ang naturang materyal sa isang pagdiriwang, anuman ang dahilan kung bakit ito naisama sa mga dekorasyon.


“Lubos naming inaako ang responsibilidad sa pagkukulang na ito at taos-puso naming ikinalulungkot ang sakit at sama ng loob na idinulot nito (We take full responsibility for this oversight and deeply regret the hurt and distress it has caused),” pahayag ng kumpanya.


Nilinaw rin ng Party Magic na hindi layunin ng pagsama sa clipping na puntiryahin, kutyain, o bastusin si Mercado at ang kanyang pamilya.


Mariin ding kinondena ng kumpanya ang pang-aabuso sa mga bata at binigyang-diin na hindi nito kailanman sinasadyang itaguyod, luwalhatiin, o maliitin ang ganitong mga karanasan.


Bilang tugon sa insidente, sinabi ng Party Magic na rerepasuhin at paiigtingin nito ang mga panloob na proseso upang matiyak na masusing nasusuri ang mga creative materials at pandekorasyon bago gamitin sa mga event.


“Nauunawaan naming hindi na maibabalik ng paghingi ng paumanhin ang sakit na idinulot ng insidenteng ito. Gayunpaman, taos-puso kaming humihingi ng paumanhin nang may pagsisisi, pagpapakumbaba, at paggalang (We understand that an apology cannot undo the hurt this incident has caused. Nevertheless, we offer ours with genuine remorse, humility, and respect,” pahayag ng kumpanya).”


bottom of page