top of page

Dennis Trillo, barong na may pangalan nina Jennylyn at mga anak ang suot sa Dekada Awards

Kimberly Asis / Sari Story News

October 7, 2026 at 1:46:03 PM

Larawan ni Dennis Trillo.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Dennis Trillo.

INSTAGRAM / Dennis Trillo

Dumalo si Dennis Trillo sa Golden Screen Awards: Dekada Awards 2026 na suot ang isang custom-made na barong na may burda ng mga pangalan ng kanyang asawang si Jennylyn Mercado at kanilang mga anak na sina Calix, Dylan, at Jazz.


Idinaos ang seremonya sa MMFF Auditorium sa Pasig City noong Oktubre 4, 2026, na naging isang mahalagang gabi para sa aktor matapos niyang maiuwi ang dalawang acting awards para sa kanyang pagganap sa “Felix Manalo” (2015) at “Green Bones” (2024).


Ang personalized na Paulo Lazaro Barong, nna isinuot niya sa styling ni AJ Alberto, ay may burda ng pangalan ni Jennylyn, gayundin ng mga pangalan nina Calix, Dylan, at Jazz sa likod. Tampok din sa disenyo ang ilang detalye na sumasalamin sa personal na buhay at career ni Dennis, kabilang ang isang African Grey parrot na sumisimbolo sa kanilang alagang si Pebble.


May iba pang detalye sa barong gaya ng pusa, award trophy, film rolls at strips, at film slate, habang may mga kumikislap na simbolo rin na nakakalat sa kabuuan ng barong.


Inilarawan naman ng Paulo Lazaro Studio ang barong sa isang Instagram post bilang isang kasuotang “embroidered with details that tell his story—from his craft to the things he loves.”


Ibinahagi rin ng 45-anyos na aktor ang ilang larawan ng kanyang suot, kabilang ang mga kuha kasama si Pebble at mga close-up na larawan ng detalyado at magandang disenyo ng barong.


“Maraming salamat kagabi,” pahayag ni Dennis sa kanyang latest post, kung saan pinasalamatan niya ang kanyang stylists na sina AJ Alberto at Danilo de Castro Jr.


Naging milestone din ang naturang seremonya para kay Dennis matapos niyang maiuwi ang ikalawang Dekada award ng kanyang career, bukod pa sa Best Actor award. Dahil dito, siya ang tanging artistang nakatanggap ng dalawang major acting trophies noong gabing iyon.


Sa kanyang acceptance speech, pabirong sinabi ni Dennis, “Magandang gabi po sa inyong lahat, sayang hindi ko dala ‘yung bag ko ngayon para malagay ‘yung dalawang trophies,” bago niya pinasalamatan ang kanyang mga supporter, team, at pamilya. Espesyal din niyang binanggit si Jennylyn, na tinawag niyang kanyang number one supporter.


Naging usap-usapan din ang pagdalo ni Dennis sa awards night matapos siyang mapunta sa public spotlight nitong nakaraang linggo kasunod ng panayam kay Patrick Garcia.


Ang kanyang biro tungkol sa bag ay tila may kaugnayan din sa isang kamakailang video kung saan pabirong tinukoy ni Dennis ang isyu habang pinag-uusapan ang pag-eendorso ng isang bag. “Ano ang bag mo? (Ano ambag mo?),” aniya sa video, na tila patama kay Patrick Garcia kaugnay ng alegasyon tungkol sa kakulangan nito ng suporta kay Jazz.

bottom of page