Dennis Trillo at manager ni Jennylyn, nag-react sa mga pahayag ni Patrick Garcia
Kimberly Asis / Sari Story News
October 1, 2026 at 12:10:56 PM
Nagsalita si Dennis Trillo at ang manager nila ni Jennylyn Mercado na si Becky Aguila kasunod ng interview ni Patrick Garcia kay Ogie Diaz, kung saan ibinahagi ni Patrick ang tungkol sa naging relasyon nila noon ni Jennylyn, ang kanilang hiwalayan, at mga isyung may kinalaman sa kanilang anak na si Alex Jazz.
“Hindi ako pabor sa bashing, pero salamat at naalala mo si Jazz dahil sa pag bash sa anak mo,” sulat ni Dennis. “Spread love, not hate,” dagdag niya.
Samantala, sa kanyang personal account, diretsahang naglabas ng saloobin si Aguila para kay Patrick, at binigyang-diin na nagsasalita siya hindi lamang bilang manager ni Jennylyn kundi bilang kanyang “second mom.”
Kinuwestiyon niya ang desisyon ni Patrick na pag-usapan sa publiko ang naturang isyu, at sinabing maaari naman itong direktang lumapit sa kanya.
“Why did you have to resort to an interview? Kahit wala na si Tita Lydia, andito pa naman ako. Ayokong makasakit at makasira ng image pero nasasaktan ako for Jen. Sa dami ng pagkukulang mo kay Jen lalo na kay Jazz, mas inintindi mo pa magpa interview to protect your daughter from bashers at the expense of Jen and Jazz.”
Ipinaalala rin ni Aguila kay Patrick na si Jennylyn ang ina ng kanyang anak at sinabi niyang maaari sana siyang tumulong na maayos nang pribado ang mga concern nito.
“May concerns ka pala sana nag reach out ka na lang sa akin at maayos natin nailatag to with Jen and Dennis at madali naman sila kausap.” Ayon kay Aguila, maraming bagay ang ginawa noon ni Patrick na nakasakit kay Jennylyn, ngunit pinili ng aktres na huwag na itong pag-usapan sa publiko bilang respeto sa kanya, sa kanyang pamilya, at sa kanilang anak.
“Pero lahat yun naalala ko. Pasensya na Patrick pero yung truth mo maraming kulang at dagdag. I hope nakatulong nga ito sa daughter mo. And hopefully you are satisfied with all the things you've done.”
Sa interview naman ni Patrick kay Ogie, ipinaliwanag niya kung bakit siya nagpasyang magsalita matapos makatanggap ng pambabash online ang kanyang anak na si Michelle.
Si Michelle, na kasalukuyang sumasailalim sa K-pop training sa Singapore, ay nakatanggap umano ng mga negatibong komento na iniuugnay sa nakaraan ni Patrick at Jennylyn. Naging malaking dahilan din umano ng kanyang paglalabas ng saloobin ang isang pag-uusap nila ng kanyang 13-anyos na anak.
“Actually, one day, my daughter, si Michelle, went up to me and said, 'Daddy, I'm sad. Because every time there's good news about me, in the comment section, it's all bashing, and they're bashing me because of you,'” kuwento niya.
Bagama’t nais ni Patrick na protektahan ang kanyang anak, aminado siyang hindi nangangahulugang tuluyang titigil ang pambabash o mga negatibong komento dahil lamang nagsalita siya tungkol dito.
Bukod sa pagpapaliwanag kung bakit siya nagsalita, tinalakay din ni Patrick ang kanyang pagiging ama at sinabing pantay-pantay ang pagmamahal niya sa lahat ng kanyang mga anak.
“When it comes to fatherhood, I love all my children equally. Lahat sila mahal ko including Jazz,” aniya.
Nagpasalamat din si Patrick kay Dennis dahil naging father figure ito kay Jazz, na ilang taon nang co-parent ni Dennis. Inamin din niyang hindi na niya nakikita ang kanyang panganay na anak mula pa noong 2017.
Samantala, matapos ang interview, naglabas din ng pahayag ang agency ni Jennylyn at sinabing hindi haharap ang aktres sa mga interview tungkol sa naturang isyu.
“Everyone is entitled to share their story on whatever platform they choose. In this case, Jennylyn would rather not share her side of the story out of respect for the privacy and peace of mind of both her family and Patrick’s,” pahayag ng Aguila Entertainment.
Hiniling din ng agency sa publiko na huwag nang idirekta ang galit o pambabash sa pamilya ni Patrick, partikular na sa kanyang anak na si Michelle.
Taong 2008 nang maghiwalay sina Patrick at Jennylyn matapos ang kanilang naging relasyon. Sa parehong taon isinilang ang kanilang anak na si Jazz.
Makalipas ang ilang taon, ikinasal naman si Patrick sa kanyang non-showbiz wife na si Nikka Martinez noong 2015. Mayroon silang apat na anak.
Samantala, ikinasal sina Jennylyn at Dennis noong November 2021 at isang taon matapos nito ay isinilang ang kanilang anak na si Dylan.

