Debut ni Caprice Cayetano, nagbalik ng masasayang alaala kay Heart Evangelista
Kimberly Asis / Sari Story News
November 10, 2026 at 9:59:20 AM
Kabilang sina Heart Evangelista at John Prats sa mga bisitang dumalo sa engrandeng 18th birthday celebration ni Caprice Cayetano na ginanap sa Shangri-La The Fort. Naging pagkakataon din ito para balikan ni Heart ang ilang alaala mula sa nakaraan, partikular ang sarili niyang debut noong 2003.
Ibinahagi ng actress-host at fashion icon sa kanyang Instagram Stories ang ilang larawan at video mula sa naturang okasyon. Kabilang dito ang video nila ni John habang papunta sa venue, gayundin ang ilang kuha kasama ang debutante at iba pang celebrity guests.
“Running back in time for @capcaprice 18th birthday,” saad ni Heart sa kanyang caption. “Thank you for reminding once more.”
Tinawag din ni Heart si John na kanyang “prom date,” bilang pagbabalik-tanaw sa kanilang tambalan noong early 2000s na mas kilala sa tawag na "JoHeart." Matatandaang naging escort din ni Heart si John sa mismong debut celebration nito noong 2003.
Nagbalik-tanaw din ang dalawa sa naging collaboration nila kay Caprice, na gumanap bilang batang Heart sa music video ng kantang “Teka Lang” ni TJ Monterde. Tampok din sa naturang music video si John.
Samantala, nakatakda ring muling magsama sina Heart, 41, at John, 42, sa isang reunion film na inaasahang ipalalabas sa Pebrero sa susunod na taon.
Ilan pa sa mga artistang namataan sa selebrasyon sina Heath Jornales, Charlie Fleming, Jillian Ward, Vina Morales, Isabel Oli, Sofia Pablo, Marco Masa, John Clifford at Kristel Fulgar. Dumalo rin ang GMA executives na sina Joy Marcelo at Annette Gozon-Valdes.
Isa sa mga naging highlight ng gabi ang 18-tulips dance ni Caprice. Naging maingay ang venue sa hiyawan at palakpakan ng mga bisita, kabilang sina Heart at John, nang umakyat sa entablado si Heath upang isayaw ang debutante.
Magkasamang nagbida sina Caprice at Heath, na kilala rin bilang "CapEath," sa TV series na “You’re My Favorite Song,” kasama sina Marco Masa at John Clifford.
Samantala, muling magsasama ang dalawa bilang mga pangunahing bida sa “Amir,” ang kauna-unahang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng CapEath. Nakatakda itong mapanood sa mga sinehan simula Disyembre 25.

