David Licauco, Ashtine Olviga, bibida sa PH remake ng ‘Fight for My Way’
Kimberly Asis / Sari Story News
September 29, 2026 at 12:18:18 PM
Nakatakdang bumida sina Ashtine Olviga at David Licauco sa Philippine adaptation ng hit Korean series na “Fight for My Way” para sa Viva One.
Inanunsyo ito ng Viva noong Lunes, Setyembre 28, at ipinakilala ang “Fight for My Way” bilang kauna-unahang Korean series adaptation ng platform. Makakasama nina Ashtine at David sina Aubrey Caraan bilang Sally at McCoy De Leon bilang Manny, na gaganap bilang second leads.
Iikot ang upcoming romantic-comedy series sa isang grupo ng magkakaibigan na hinaharap ang kanilang mga pangarap, passion, pamilya, at pag-ibig habang nagsisikap na makamit ang buhay na kanilang ninanais.
Sa Philippine version, gagampanan ni Ashtine ang papel ni Aira, isang high-spirited at fierce na dalaga na nangangarap maging isang professional television announcer. Samantala, si David naman ay gaganap bilang Hanz, isang guwapo at malakas, na dating taekwondo champion.
Si Aubrey naman ang gaganap bilang Sally, isang simpleng babae na may mabuting puso, habang si McCoy ay bibida bilang Manny, ang matagal nang boyfriend ni Sally—isang matalino at praktikal na lalaki na siya ring “utak” ng kanilang grupo.
Batay ang serye sa hit 2017 K-drama na pinagbidahan nina Park Seo-joon bilang Ko Dong-man at Kim Ji-won bilang Choi Ae-ra.
Sa orihinal na bersyon, kinaiinisan ni Dong-man ang cute na baby talk ni Ae-ra hanggang sa kalaunan ay ginaya na rin niya ito. Mapapanood din ng Filipino fans ang sariling bersyon nina Ashtine at David ng eksenang ito.
Ito rin ang unang pagkakataong magsasama sa isang proyekto sina Ashtine at David. Para naman kina Ashtine at Aubrey, ito na ang kanilang ikalawang proyekto matapos nilang pagbidahan ang “Sunny,” isa ring Korean adaptation.
Sa direksyon ni Crisanto B. Aquino, mapapanood ang “Fight for My Way ” sa Viva One simula Nobyembre 20.

