Dating PBB housemate Rave Victoria, bibida sa BL series na ‘Coach Me Maybe’
Kimberly Asis / Sari Story News
October 9, 2026 at 10:45:42 AM
Makakasama ng dating “Pinoy Big Brother” (PBB) housemate na si Rave Victoria ang aktor na si Lance Jeremy sa “Coach Me Maybe,” ang kauna-unahang vertical Boys’ Love (BL) series ng ABS-CBN Studios.
Inanunsyo ng streaming platform na iWant ang proyekto nitong Huwebes sa pamamagitan ng isang social media post na nagtatampok sa mga pangunahing artista at iba pang miyembro ng cast.
“They say keep your friends close and your enemies closer.. but maybe not this close,”saad ng iWant sa naturang post.
Bukod kina Rave, 19, at Lance, kabilang din sa cast ang mga beteranong aktor na sina Christian Vasquez at Valerie Concepcion, gayundin sina Rhianna Santiago at Ian Lubrica. Makakasama rin nila ang kapwa PBB housemates na sina Josh Worsley, Inigo Jose, at Kanata Tapia.
Si Theodore Boborol ang direktor ng serye. Ilan sa mga dati niyang proyekto para sa iWant ang mga microdrama na “The Chambermaid’s Daughter,” na pinagbibidahan nina Alexa Ilacad at Gelo Rivera ng BGYO, at “Ghosting,” na tampok naman sina Fyang Smith at JM Ibarra.
Ang “Coach Me Maybe” ang ikalawang acting project ni Rave. Bago ito, napanood siya sa isang episode ng “Barangay Love Stories” ng Barangay LS 97.1 FM, na kalaunan ay ginawan ng adaptasyon para sa telebisyon at ipinalabas noong Setyembre 26.
Sa kanyang bagong proyekto, papasukin ni Rave ang BL genre, na nakatuon sa romantiko at emosyonal na ugnayan sa pagitan ng mga lalaking karakter.
Samantala, patuloy na sumisikat sa industriya ng entertainment ang mga vertical series o microdrama. Binubuo ang mga ito ng maiikling kuwentong idinisenyo para sa panonood sa mga mobile phone, na kadalasang tumatalakay sa romansa at drama.
Sa mga nagdaang taon, higit ding naging kapansin-pansin sa industriya ang mga pelikula at seryeng kabilang sa BL at Girls’ Love (GL) genres. Ayon sa mga ulat, nagmula ang BL genre sa Japan noong unang bahagi ng dekada 1970.
Hindi naman maitago ng mga tagahanga, lalo na ng mga tagasuporta ni Rave, ang kanilang pananabik sa nalalapit na pagpapalabas ng serye.
“Congratulations and good luck to our brave Rave Victoria. More projects to come,” komento ng isang tagahanga. Ibinahagi rin ng isa pang tagahanga ang kaniyang pananabik sa pagsasabing, “Excited na akooo! As a BL lover, aabangan ko talaga ’to!”

