Claudine Barretto, Bea Binene bibida sa ‘Morticia’
Kimberly Asis / Sari Story News
November 6, 2026 at 9:50:17 AM
Magtatambal sina Claudine Barretto at Bea Binene sa nalalapit na horror-thriller film na “Morticia.”
Kamakailan lamang, inilabas ng Viva Films ang unang pasilip sa pelikula sa pamamagitan ng official poster nito na tampok sina Claudine at Bea. Makikita rin dito ang tagline na, "The mirror remembers everything you’ve tried to forget."
Sa direksiyon ni Topel Lee, pagsasamahin sa “Morticia” ang dalawang aktres na kapwa nagpakitang-gilas na sa horror genre.
Magsisilbing pagbabalik ni Claudine sa horror genre ang “Morticia,” 20 taon matapos niyang pagbibidahan ang blockbuster hit na “Sukob” kasama si Kris Aquino.
Samantala, ilang horror film na rin ang kinabilangan ni Bea nitong mga nakaraang taon, kabilang ang “Posthouse,” “Nokturno” at “Pasahero.” Naging matagumpay naman ang huli niyang proyekto, ang Philippine remake ng Thai horror-comedy film na “Pee Mak.”
May malawak ding karanasan si Lee sa paggawa ng horror films. Kabilang sa mga pelikulang idinirehe niya ang mga patok na Pinoy horror films na “Ouija,” “White House” at “Bloody Crayons.” Siya rin ang nagdirehe ng ilang segment ng matagal nang horror film franchise na “Shake, Rattle & Roll.”
Samantala, ikalawang pagtatambal na nina Lee at Bea ang “Morticia.” Nauna nang nakatrabaho ng direktor ang aktres sa fantasy series na “Ilumina” noong 2010, sa unang bahagi ng career ni Bea.
Inanunsiyo ang kanilang bagong proyekto ilang araw matapos ipagdiwang ni Bea ang kaniyang ika-29 na kaarawan nitong Miyerkules, Nobyembre 4.

