Chris Brown, hahatulan sa Southwark Crown Court sa London
Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 27, 2026 at 3:24:02 AM
Dumating ang American singer na si Chris Brown sa Southwark Crown Court sa London, Britain, noong Oktubre 26, 2026, kung saan nakatakdang hatulan matapos umamin sa kasong affray o pakikilahok sa marahas na kaguluhan. Ayon sa mga prosecutor, inatake niya gamit ang bote ang isang music producer sa isang nightclub sa London noong 2023.
REUTERS / Chris J Ratcliffe
Dumating sa korte nitong Lunes ang American singer na si Chris Brown bago ang paglalabas ng hatol sa kasong pananakit sa isang music producer gamit ang bote ng tequila sa isang nightclub sa London noong 2023.
Haharap ang 37-anyos na si Brown sa Southwark Crown Court sa London upang dinggin ang kanyang hatol matapos umamin sa kasong affray o pakikilahok sa marahas na kaguluhan kaugnay ng pananakit kay Abraham Diaw sa Tape nightclub noong Pebrero 2023.
Noong Hulyo, umamin din sa pagkakasala ang R&B singer at ang kanyang vocal coach na si Omololu Akinlolu, 40. Una nilang itinanggi ang mas mabibigat na kasong pagtatangkang magdulot ng malubhang pinsala sa katawan at pananakit na nagresulta sa aktuwal na pinsala.
Ang pinakamabigat na parusa sa kasong affray ay tatlong taong pagkakakulong, bagaman maaari ring suspendihin ang anumang sentensiya ng pagkabilanggo.
Ilang tagahanga ni Brown ang pumila sa labas ng korte mula bandang alas-7 ng umaga GMT, isang oras bago magbukas ang gusali. May ilan sa kanila na may dalang mga merchandie.
Dalawang beses nang nagwagi sa Grammy Awards si Brown. Inaresto siya noong Mayo 2025 matapos bumalik sa Britain sa unang pagkakataon mula nang mangyari ang insidente. Una siyang hindi pinagkalooban ng piyansa, na nagdulot ng pangamba sa posibleng pagkansela ng kanyang worldwide “Breezy Bowl XX” tour.
Gayunman, kalaunan ay pinalaya rin si Brown matapos mangakong magbabayad ng 5 milyong British pounds bilang panagot, na nagbigay-daan upang matuloy ang kanyang tour.
Ang kasong ito ang pinakahuli sa mga kasong kinasangkutan ni Brown. Noong 2009, kinasuhan siya ng pananakit sa noo'y kasintahan niyang si Rihanna. Umani noon ng malawakang pansin sa buong mundo ang mga larawan ng mukha ng mang-aawit na may mga pasa.

