Celine Dion, mainit na sinalubong sa Paris sa pagsisimula ng kanyang 16-concert residency
Sari Story
September 14, 2026 at 10:18:07 AM
NANTERRE, France — Naging emosyonal ang pagbabalik-entablado ni Celine Dion matapos ang anim na taong pagkawala. Sa kabila ng kanyang matinding problema sa kalusugan ay nagpasaya siya sa mga tagahanga sa unang gabi ng serye ng kanyang mga concert sa Paris nitong Sabado.
“Nakatayo ako sa entabladong ito sa lungsod na labis kong minamahal dahil sa inyong suporta at pagmamahal. Mabato ang naging daan, mas mahaba kaysa sa inaasahan ang paglalakbay, pero nagpatuloy ako (I’m standing on stage in this city I love so much thanks to your support and your love. The path was rocky, the road was longer than planned but I held on),” sabi ng singer.
Noong 2022, inanunsyo ni Celine Dion na siya ay na-diagnose na may stiff person syndrome, isang bihirang sakit sa nervous system na nagdudulot ng muscle spasms at naging dahilan para hindi siya makapagtanghal.
Makikita kay Dion ang matinding emosyon at ilang beses siyang napaiyak habang kinakanta ang kanyang opening number. Itinaas pa niya ang mikropono patungo sa audience upang tulungan siyang kantahin ang bahagi ng kanta.
“Nangako akong hindi ako iiyak—pero mga luha ito ng saya (I promised I wouldn’t cry - but they’re tears of joy),” giit ng singer.
Simple at hindi gaanong magarbo ang stage production, habang karamihan sa kanyang suot ay mga itim na gown, na tila nagbigay-daan upang mas mapansin ang kanyang emosyon sa muling pagharap sa mga tagahanga.
“Hindi niya itinago ang pinagdaanan niyang hirap at ibinahagi niya ito sa kanyang mga tagahanga (She didn’t shy away from what she suffered and she shared it with her audience),” sabi ng British fan ni Dion na si Catherine Rushforth matapos lumabas ng arena sa Nanterre.
Buong kumpiyansang ginawa ni Dion ang kanyang mga nakasanayang performance sa entablado, kabilang ang kanyang mga ekspresyon at pagsasagawa ng air guitar. Buong lakas din niyang kinanta ang mga ballad na “My Heart Will Go On” at “All By Myself,” mga kantang nakatulong upang maging isa siya sa mga best-selling recording artists sa lahat ng panahon.
Ngunit una niyang kinanta ang kanyang pinakasikat na French-language songs, ang “On Ne Change Pas” (“We Don’t Change”), na tila tumutukoy sa kanyang matagal na pagkawala sa entablado.
Ang kanyang 16-concert residency, na may karagdagang 10 concert na nakatakda sa 2027, ay nagdulot ng matinding kasiyahan sa Paris. Nagtitipon ang mga tagahanga sa labas ng kanyang marangyang hotel hanggang madaling-araw, sa pag-asang masilayan siya.
“Ang kanyang pakikipaglaban ay isang halimbawa para sa ating lahat. Napakaganda nito (Her fight is an example for all of us, it’s wonderful),” sabi ng fan na si Julien Faruch, isang chef.

