top of page

Caprice Cayetano at Heath Jornales, mapapanood sa MMFF 2026 entry na ‘Amir’

Kimberly Asis / Sari Story News

October 21, 2026 at 11:08:27 AM

Larawan ni Caprice Cayetano at Heath Jornales.

Larawan kuha mula sa Instagram account nina Caprice Cayetano at Heath Jornales.

INSTAGRAM / Caprice Cayetano / Heath Jornales

Mapapanood sa big screen ang mga young star na sina Caprice Cayetano at Heath Jornales sa paparating na fantasy-drama film na “Amir,” na napabilang sa official lineup ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026.


Malaking hakbang ito sa karera ng dalawang 17-anyos na artista. Ito ang unang MMFF movie ni Cayetano, habang kauna-unahang full-length film naman ito ni Jornales.


Sa promotional photo na inilabas ng Sparkle GMA Artist Center, makikitang nakasuot ng hijab si Cayetano, na nagpapahiwatig na gaganap siya bilang isang Muslim sa pelikula.


Nagbahagi sa kani-kanilang social media accounts ang dalawang artista upang ipagdiwang ang anunsiyo kasama ang kanilang mga tagasuporta. Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Cayetano ang espesyal na kahulugan ng proyekto para sa kanya at nagpasalamat sa GMA Pictures sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong maging bahagi nito.


“This film has a special place in my heart. My first MMFF movie. Thank you, GMA Pictures, for this opportunity. Excited na po ako na mapanood niyo ang ‘Amir.’ Pinaghirapan namin ang project na ito,” aniya.


Nagpasalamat din ang PBB Collab 2.0 winner sa direktor at sa mga nakasama niya sa pelikula, kabilang ang beteranong aktor na si Dennis Trillo at child star na si Argus.


“Napakahusay ng mga nakasama ko at marami akong natutunan na magagamit ko sa mga susunod kong proyekto. Direk Zig, maraming salamat po sa paggabay, isa kang genius pagdating po sa pelikula. Sir Dennis Trillo, it was nice working with you again po. And Argus, congratulations in advance, alam kong malayo ang mararating mo,” dagdag ni Cayetano.


Para naman kay Jornales, isa ring mahalagang milestone sa kanyang karera ang proyekto dahil ito ang kanyang unang pelikula. Bilang pasilip sa kanyang pagganap, nagbahagi siya ng maikli ngunit direktang mensahe sa kanyang social media page.


“My first film ‘AMIR’ hits cinema Dec. 25 as part of MMFF 2026. Kitakits po tayo!” aniya.


Nagkomento rin ang direktor na si Zig Dulay sa mga post ng dalawang artista at ipinahayag ang kanyang pananabik na makatrabaho silang muli sa mga susunod na proyekto.


Samantala, bumuhos ang pagbati at mga mensahe ng pananabik mula sa mga tagahanga, kabilang ang mga sumusuporta sa tambalang “CapEath,” sa comment section ng kanilang mga post.


Matapos magsama sa seryeng “You’re My Favorite Song,” naghahanda naman ngayon ang dalawa para sa kani-kanilang bagong proyekto. Bibida si Cayetano sa drama series na “A Million Dreams,” habang mapapabilang naman si Jornales sa cast ng action-drama series na “Hari ng Tondo.”

bottom of page