Bugoy Drilon, nagpapasalamat sa safe space na ibinigay sa kanya sa ‘Toni Talks’
Kimberly Asis / Sari Story News
September 22, 2026 at 10:48:04 AM
Kamakailan ay ibinahagi ni Bugoy Drilon ang masasakit na karanasan niya noong bata pa siya at ang kanyang paglalakbay tungo sa paggaling nang mag-guest siya sa “Toni Talks.” Nagpasalamat siya kay Toni Gonzaga sa pagbibigay sa kanya ng ligtas na espasyo o safe space upang maibahagi ang kanyang kuwento.
Naging emosyonal ang mang-aawit ng “Paano na Kaya” habang ikinukuwento ang kanyang karanasan noong siya ay bata pa kasama ang kanyang ama, na naging marahas umano kapag nalalasing.
Bago niya nakamit ang tagumpay sa industriya ng musika, naranasan muna ni Bugoy na magtrabaho bilang janitor at magsaka. Malaking pagbabago naman sa kanyang buhay ang nangyari noong 2008 nang sumali siya sa ikalawang season ng reality show na “Pinoy Dream Academy.” Nagtapos siya bilang runner-up at itinanghal na Second Star Dreamer.
Sa isang kamakailang post sa social media, nagbahagi si Bugoy ng mga larawan nila ni Toni at nagpasalamat sa actress-host sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong maging bukas tungkol sa kanyang mga pangarap at sa mga karanasang humubog sa kanyang pagkatao.
“Toni Talks, thank you so much for having me. I am grateful po, maraming salamat sa pagkakataong maging bukas at maibahagi ko ang aking mga pangarap, mga pinagdaanan, purpose at mga karanasang humubog sa akin kung nasaan man ako ngayon,” aniya.
Ibinahagi rin niya ang kanyang pananaw tungkol sa kanyang healing journey at kung paano niya natutunang harapin at tanggapin ang mga pinagdaanan niya.
“Muli kong naalala na ang healing ay nagsisimula sa pagiging tapat sa sarili, sa pagtanggap sa mga pinagdaanan, pag-unawa sa mga aral, at pagkakaroon ng lakas na magpatuloy at mas kumapit sa salita ng ating Panginoon,” saad niya.
Nagpasalamat din si Bugoy kay Toni sa mga payo at salitang nagbigay sa kanya ng gabay.
“Toni Gonzaga-Soriano, thank you for giving me a safe space to tell my story and to share how God has changed me,” mensahe niya sa actress-host.
May mensahe rin si Bugoy para sa mga taong kasalukuyang dumaraan sa sarili nilang mga pagsubok.
“To everyone, please keep going. Hindi kayo nag-iisa.”
Pinaalalahanan niya ang mga ito na ang kabanatang kinakaharap nila ngayon ay bahagi lamang ng isang mas malaking kuwento.
“Magtiwala sa proseso. Heal yourself through His words. Mas magagandang kabanata pang naghihintay. God bless you all,” pagtatapos niya.
Ang mensahe ni Bugoy ay kasabay ng pagsisimula niya ng panibagong kabanata sa kanyang karera sa musika.
Noong Marso, inilabas niya ang “Anthems,” ang kanyang unang independent full-length R&B album mula nang maging independent artist siya. Binubuo ito ng siyam na kanta, kabilang ang “Empty House,” “Favorite Season,” at “Habang Buhay,” na ilan sa mga awiting kasama siya sa pagsusulat.
Noong Setyembre 18 naman, ibinahagi ni Bugoy sa YouTube ang live performance niya ng “Habang Buhay.” Kasabay nito ang premiere ng unang episode ng kanyang bagong digital series na “Bugoy Drilon Live” sa kanyang official YouTube channel.

