Bollywood actor na si Nana Patekar, pumanaw sa edad na 75
Sandra Samala-Salem
October 8, 2026 at 9:20:17 AM
FILE PHOTO: Bollywood star na si Nana Patekar, na gumanap bilang isang pulis, habang nagpapakuha ng larawan sa mga photographer sa isang media gathering para talakayin ang kanyang papel sa Indian movie na “Ab Tak Chhappan” (56 Until Now), sa Bombay noong Marso 3, 2004. Inilabas ang pelikula noong nakaraang linggo at tampok dito si Patekar bilang isang sharpshooter na nakapatay ng 56 gangster at kriminal sa mga engkuwentro ng pulisya.
Sherwin Crasto SC/CP/File Photo/Reuters
MUMBAI — Pumanaw nitong Huwebes sa edad na 75 ang beteranong Indian actor na si Nana Patekar, na nakilala sa kanyang matitinding pagganap sa mga pelikula at teatro sa Bollywood, ayon sa lokal na media.
Natagpuan si Patekar na walang malay sa kanyang tahanan sa coastal state ng Goa nitong Huwebes ng madaling araw at hindi na siya naisalba ng mga doktor, ayon sa news agency na ANI at iba pang media.
Pumanaw siya dahil sa cardiac arrest, ngunit hindi pa malinaw kung ano ang sanhi nito, ayon kay Shekhar Salkar, pinuno ng oncology department ng Manipal Hospital kung saan dinala si Patekar, sa panayam sa ANI.
Ipinanganak bilang Vishawanath Patekar ngunit mas kilala bilang Nana, sinimulan niya ang kanyang karera sa teatro sa wikang Marathi, ang wikang ginagamit sa kanyang bayang Maharashtra, na siya ring tahanan ng Bollywood.
Lumabas si Patekar sa ilang arthouse films ng India noong dekada 1970 at 1980, kabilang ang award-winning na “Salaam Bombay” ni Mira Nair, bago siya lumipat sa mainstream Bollywood.
Iba’t ibang papel ang ginampanan niya at nakasama sa pelikula ang mga aktor gaya nina Amitabh Bachchan at Shah Rukh Khan. Mahusay rin siya sa mga seryosong papel gayundin sa mga papel na komedya.
Dahil sa kanyang mga pagganap na kapansin-pansin sa agresibong istilo at matitinding pagbigkas ng mga linya, nakatanggap siya ng ilang pambansa at rehiyonal na parangal sa pelikula.
“Isa siya sa mga pambihirang aktor na hindi kailangang gumawa ng labis para mapatingin at mapanood mo siya. Ang boses na iyon, ang tindi, ang katapatan sa bawat pagganap... talagang natatangi siya (He was one of those rare actors who never needed to do too much to make you sit up and watch. That voice, that intensity, that honesty in every performance...he was completely his own),” pahayag ng aktor na si Akshay Kumar, na nakasama ni Patekar sa ilang pelikula.
Naiwan ni Patekar ang kanyang asawang hiwalay na sa kanya at isang anak na lalaki.

