Bogota, dinagsa ng mga tagahanga ng BTS para sa unang concert ng grupo sa Colombia
Sandra Samala-Salem
October 4, 2026 at 3:29:53 PM
Dumagsa ang mga tagahanga ng South Korean group na BTS sa labas ng El Campin Stadium sa Bogota nitong Biyernes, Oktubre 2, ilang oras bago ang concert ng grupo, sa gitna ng mahabang pila, palitan ng regalo at iba’t ibang aktibidad na inorganisa ng mga tagasuporta.
Mula pa madaling-araw, daan-daang miyembro ng fanbase ng grupo, na kilala bilang ARMY, ang pumila upang makapasok sa mga itinalagang bahagi ng stadium. Ang iba ay nagpalitan ng regalo, nagpakita ng mga merchandise ng BTS at nagsuot ng mga aksesorya, habang may dalang mga litrato at mensaheng alay sa pitong miyembro ng grupo. Ipinakita sa footage ng Reuters ang mahahabang pila sa paligid ng venue at ang mga concertgoer na dumaraan sa security checkpoint bago pumasok.
“Unang nakilala ko sila noong dumaraan ako sa masasabi kong mahirap na panahon, at sa pamamagitan ng kanilang mga kanta, muli akong nakakita ng liwanag (When I first got to know them, I was going through what you could say was a difficult time internally, and through their songs I found a light again),” pahayag ng tagahangang si Isabella Aguilon habang naghihintay na makapasok sa concert.
Dahil sa matinding pananabik sa pagtatanghal, dumayo rin ang mga tagahanga mula sa ibang bansa.
“Nagkaroon ako ng pagkakataong bumili ng ticket dito sa Colombia at naisip ko, bakit hindi? Maaari kong samantalahin ang pagkakataong makilala ang bansa, mapanood ang pitong lalaking napakahalaga sa akin, at makasama rin ang Colombian ARMY (I had the opportunity to buy tickets here in Colombia and I thought, why not? I can take the chance to get to know the country, come see these seven guys that I care about so much, and also spend time with Colombian ARMYs),” ani Lizeth Hernandez, isang tagasuporta mula Mexico na bumisita sa isang BTS exhibition sa Bogota nitong Huwebes, Oktubre 1.
Ang bandang BTS na binubuo nina RM, Jin, Suga, J-Hope, Jimin, V at Jungkook, ay unang sumabak sa industriya noong 2013 at tumulong na mas lalo pang palaganapin ang Korean pop music sa buong mundo, sa pamamagitan ng kanilang mga masiglang kanta at sayaw, na nagbigay sa kanila ng napakalaki at tapat na komunidad ng mga tagahanga.
Nagtatanghal ang BTS sa Nemesio Camacho El Campin Stadium sa Bogota ngayong Oktubre 2 at 3 bilang bahagi ng kanilang ARIRANG world tour. Ayon sa impormasyon mula sa pamahalaang lungsod ng Bogota, mahigit 50,000 katao ang inaasahang dadalo sa bawat palabas.
Bukod sa pagdagsa ng libu-libong tagahanga, inaasahang makalilikha ang mga concert ng mahigit 99 bilyong Colombian pesos ($29.9 milyon) na aktibidad sa ekonomiya sa pamamagitan ng paggastos sa pagkain, tirahan, lokal na transportasyon, pamimili at mga souvenir, ayon sa mga awtoridad sa turismo ng Bogota.

