top of page

BINI, SB19 at Ben&Ben, nagsumite ng kanta para sa Grammy consideration

Kimberly Asis / Sari Story News

October 15, 2026 at 11:44:24 AM

Larawan ng Tropeo.

Larawan kuha mula sa Facebook page ng GRAMMYS.

FACEBOOK / GRAMMYS

May pagkakataong makasulat ng kasaysayan ang mga grupong Pilipinong BINI, SB19, at Ben&Ben matapos isumite ang kanilang mga entry para sa 2027 Grammy Awards. Kabilang sa mga kategoryang kanilang nilalahukan ang Best New Artist, Best Pop Duo/Group Performance, at ang bagong kategoryang Best Asian Pop Music Performance.


Nagsumite ang BINI ng mga entry para sa Best New Artist, Best Asian Pop Music Performance para sa kantang “Unang Kilig,” at Best Song Written for Visual Media para sa “A Parallel World,” na bahagi ng soundtrack ng animated film na “Forgotten Island.”


Inanunsiyo ng Star Music, ang record label ng BINI, ang mga entry noong Lunes, Oktubre 12, kasabay ng panawagan sa mga tagahanga na patuloy na suportahan ang grupo at ang musikang Pilipino.


Sumunod naman ang SB19 na nagsumite ng kanilang mga entry kinabukasan. Inilaban ng grupo ang “Lawless” para sa Best Pop Duo/Group Performance at “Visa” para sa Best Asian Pop Music Performance.


Sa isang social media post noong Martes, nagpasalamat ang grupo at ang management company nitong 1Z Entertainment sa patuloy na suporta ng kanilang mga tagahanga.


“From the Philippines to the world, thank you for believing in SB19. Let’s continue to champion Filipino music and bring it to the global stage!” pahayag ng grupo.


Kapwa nagsumite ng entry ang BINI at SB19 sa bagong kategoryang Best Asian Pop Music Performance, na inanunsiyo noong Hunyo sa gitna ng kontrobersiya.


Bagama’t nagbibigay ang bagong kategorya ng hiwalay na puwang para sa Asian pop music, umani rin ito ng batikos at diskusyon sa industriya ng musika at sa publiko. Nangangamba ang ilang kritiko at tagahanga na ang paghihiwalay ng musika batay sa rehiyon o wika ay maaaring magbukod sa mga artist sa halip na gawing mas inklusibo ang parangal.


Halimbawa, nagpasiyang huwag magsumite ng entry ang K-pop supergroup na BTS para sa 2027 Grammys bilang pagpapahayag ng pagtutol sa bagong kategoryang Asian pop.


“We have decided not to enter the Grammys this year. I hope that music can be heard and loved for what it is, rather than being divided by region or language,” pahayag ng grupo.


Bukod sa kanilang mga entry para sa Grammy Awards, naitanghal na rin ng BINI at SB19 ang kanilang musika sa Grammy Museum sa Estados Unidos.


Noong Abril, nagtanghal ang BINI ng mga kantang “Blush,” “Unang Kilig,” at “Cherry on Top.” Sinundan naman ito ng SB19 noong Hulyo, kung saan kinanta ng grupo ang “Gento” at “Wakas.”


Lumahok din ang dalawang grupo sa mga interactive question-and-answer session at talakayan tungkol sa kanilang mga karera na pinangunahan ng moderator na si Emily Mei. Ibinahagi nila ang kanilang mga karanasan at pananaw tungkol sa kanilang musika.


Bukod sa BINI at SB19, sumali rin ang Ben&Ben sa mga artistang naghahangad na makilala sa Grammy Awards matapos isumite ang “Leaves (Reimagined)” para sa Best Pop Duo/Group Performance.


Muling binigyang-buhay ng naturang track ang “Leaves,” ang kantang inilabas ng banda noong 2016 bilang bahagi ng kanilang self-titled extended play.


Ibinahagi ng banda ang balita at nagpasalamat sa kanilang mga tagahanga, na tinatawag nilang Liwanag.


“Suntok sa buwan, imposibleng pangarap, pero susubok pa rin! Salamat sa paglipad kasama namin, Liwanag,” pahayag ng Ben&Ben.


Mula nang mabuo noong 2016, nakabuo ang banda ng matatag na tagasubaybay sa Pilipinas at sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga kantang “Kathang Isip,” “Pagtingin,” “Lifetime,” at “Sa Susunod na Habang Buhay.”


Dahil sa mga entry ng tatlong grupo, bumuhos ang mga mensahe ng suporta at pagmamalaki mula sa kanilang mga tagahanga. Ipinagdiwang ng marami ang posibilidad na mas makilala pa sa buong mundo ang musikang Pilipino.


“Nakakaproud naman talaga mga Pinoy. Deserve natin global stage!!” komento ng isang tagahanga.


“Sino man manalo sa tatlong nagpasa malaking karangalan na yun sa bansa,” saad naman ng isa.


“Let's show the world the artistic excellence of OPM,” dagdag pa ng isa pang netizen.


Gayunman, ang pagsusumite ng mga entry ay nangangahulugan lamang na isinumite ang mga ito para sa pagsasaalang-alang ng Grammy Awards at hindi garantiya ng opisyal na nominasyon.


Gaganapin ang unang yugto ng pagboto mula Oktubre 12 hanggang 22 upang matukoy ang mga nominado sa 100 kategorya.


Inaasahang iaanunsiyo ang mga nominado para sa ika-69 na Annual Grammy Awards sa Nobyembre 16, ilang buwan bago ang seremonya na nakatakdang idaos sa Pebrero 7, 2027, sa Los Angeles, California.

bottom of page