top of page

BINI, nominado para sa Favorite Global Music Star ng Kids’ Choice Awards

Kimberly Asis / Sari Story News

October 12, 2026 at 12:21:37 PM

Larawan ng grupong BINI.

Larawan kuha mula sa Instagram account ng BINI.

INSTAGRAM / BINI

Nominado ang P-pop girl group na BINI sa kategoryang Favorite Global Music Star ng 2026 Nickelodeon Kids’ Choice Awards (KCA), kung saan kinakatawan nila ang Asya.


Binubuo ang BINI nina Maloi, Mikha, Sheena, Jhoanna, Gwen, Stacey, Aiah, at Colet. Makakatapat nila sa naturang kategorya ang ilan sa mga kilalang pangalan sa pandaigdigang musika, kabilang sina Tyla na kumakatawan sa Africa, Tame Impala sa Australia, Zara Larsson sa Europe, Karol G sa Latin America, Olivia Dean sa United Kingdom, at Taylor Swift sa North America.


Samantala, nominado rin ang global girl group na KATSEYE, na kinabibilangan ng Filipina member at lider nitong si Sophia Laforteza, sa kategoryang Favorite Female Breakthrough Artist/Group.


Sa pamamagitan ng nominasyong ito, naging kauna-unahang Filipino act ang BINI na kumatawan sa Asya sa kategoryang Favorite Global Music Star. Sila rin ang kauna-unahang grupong hindi nagmula sa South Korea na nominado sa naturang kategorya bilang kinatawan ng rehiyon.


Ibinahagi naman ng grupo ang kanilang pananabik matapos ang anunsyo sa pamamagitan ng social media caption na, “BLUSHING SO HARD RN!!” na reference sa kanilang kantang “Blush.” Una nilang itong itinanghal nang live sa Coachella noong Abril 2026.


Sa kanilang pagtatanghal sa naturang music festival sa Indio, California, nakamit din ng BINI ang panibagong milestone bilang kauna-unahang P-pop girl group na nagtanghal sa Coachella.


Maaaring bumoto ang mga fans para sa BINI sa pamamagitan ng opisyal na voting page ng Nickelodeon Kids’ Choice Awards hanggang Nobyembre 13, 2026. Pinapayagan ang maramihang pagboto, alinsunod sa mga opisyal na tuntunin ng botohan.


Gaganapin naman ang seremonya ng parangal sa Nobyembre 14, 2026, ganap na alas-8 ng gabi (Eastern Time), o Nobyembre 15, alas-8 ng umaga sa Pilipinas.


Samantala, nakatakda ring maging isa sa mga headliner ng Asia Pop Girl Fest 2027 ang BINI, kasama ang Japanese girl group na HANA at Thai girl group na 4EVE. Nakatakdang idaos ang festival sa Japan, Thailand, at Philippines.

bottom of page