BINI members, susubok naman sa solo projects sa 2027
Kimberly Asis / Sari Story News
October 23, 2026 at 10:56:54 AM
Nagpahiwatig kamakailan si BINI member Maloi Ricalde na posibleng magkaroon ng kani-kaniyang solo projects ang walong miyembro ng grupo sa 2027, habang naghahanda silang sumubok ng mga bagong oportunidad sa labas ng kanilang mga aktibidad bilang BINI.
Sa isang episode ng YouTube vlog na “Yani’s Room,” ibinahagi ni Maloi na unti-unti nang naghahanda ang mga miyembro sa posibilidad na magkaroon ng magkakahiwalay na proyekto matapos ang pitong taong pagsasama bilang grupo.
"Actually next year parang magbe-venture out na kami to solo ganaps. So, medyo naga-adjust na kami kasi nasanay kami na intact kami. 7 years intact kami since 2019," pagbabahagi niya.
"So, magta-try kami na mag-explore other fields kung saan man kami komportable at kung saan namin gusto," dagdag pa ni Maloi.
Bukod sa pag-explore ng mga indibidwal na proyekto, sinabi rin ng 24-anyos na singer na nais niyang muling mag-aral kapag nagkaroon na siya ng sapat na oras.
“Actually ‘pag nagkaroon talaga ng time, mag-aaral talaga ako. Parang mas pipiliin ko sya kesa magbakasyon sa ibang bansa, mag-vacation somewhere. Mas gusto ko na mag-aaral ako,” aniya.
Nagtapos si Maloi ng senior high school noong 2024 sa ilalim ng Humanities and Social Sciences (HUMSS) strand. Nakapagtapos na rin ng senior high school ang iba pa niyang mga kasamahan sa BINI na sina Aiah, Colet, Gwen, Jhoanna, Mikha, Sheena, at Stacey.
Interesado rin si Maloi na subukan ang pag-arte, bagama't inamin niyang nag-aalangan siyang pasukin ang larangang ito dahil wala pa siyang sapat na karanasan.
“Naiisip ko... Ang nagbo-bother [lang] sa akin is anong credibility ko. Anong experience ko. Wala pa akong experience sa acting.’”
Gayunman, sinabi ni Maloi na kung mabibigyan siya ng pagkakataon, nais niyang sumabak sa isang romantic comedy o romcom project.
“Nagli-lean din talaga iyong heart ko sa romcom. Pero also, gusto ko ng something unexpected. Kunwari love story tapos biglang mamamatay sa dulo. Yung mga tragic love story, gusto ko yung mga ganon.”
Kabilang sa mga direktor na nais niyang makatrabaho sina Antoinette Jadaone at Irene Villamor. Nabanggit din niya sina Bela Padilla at JC Santos bilang mga artistang gusto niyang makasama sa isang proyekto.
Samantala, bagama’t aminado si Maloi na wala pa siyang karanasan sa pag-arte, nagkaroon na rin siya ng exposure sa harap ng kamera sa pamamagitan ng mga music video. Kabilang dito ang “RomCom” ni Rob Deniel at “Dilaw” ni Maki. Ilan din sa mga miyembro ng BINI ang naging bahagi ng mga music video ng iba pang mga artist.
Magpapatuloy naman ang “Signals” World Tour ng BINI sa Singapore sa Oktubre 25, bago magtungo sa Taiwan para sa kanilang susunod na pagtatanghal sa Nobyembre 15.
Habang nagpapatuloy ang mga international activity ng grupo, maaari pang masaksihan ng mga tagahanga ang iba’t ibang interes at talento ng bawat miyembro sa pamamagitan ng mga proyektong labas sa kanilang mga aktibidad bilang BINI.

