top of page

Bida sa ‘Alien’ at ‘Top Gun’ na si Tom Skerritt, pumanaw sa edad na 93

Will Dunham / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 26, 2026 at 4:30:25 AM

Larawan ni Tom Skerritt

“Lubos siyang nagmalasakit sa imahinasyon, pagkamalikhain, pagkukuwento, paglilingkod, mga beterano, kalikasan at pagtulong sa iba na mahanap at maibahagi ang sarili nilang tinig (He cared deeply about imagination, creativity, storytelling, service, veterans, the natural world, and helping others find and share their own voices),” pahayag ng pamilya ni Skerritt.

Facebook page / Tom Skerritt

Pumanaw na sa edad na 93 ang versatile na aktor na si Tom Skerritt, na gumanap sa mga patok na pelikula sa Hollywood, kabilang ang klasikong science fiction na “Alien,” war comedy na “M*A*S*H” at action drama na “Top Gun.”


Ayon sa pahayag ng kanyang pamilya, pumanaw si Skerritt noong Miyerkules dahil sa natural na mga sanhi. Ipinanganak siya sa Detroit at tumagal mula dekada 1960 hanggang dekada 2020 ang kanyang karera sa Hollywood.


“Bagama't nakilala siya ng mundo dahil sa kanyang kahanga-hangang karera sa pag-arte, nakilala naman namin siya sa kanyang pagpapatawa, pagkamausisa, karunungan, pagkabukas-palad at pagmamahal na ibinahagi niya sa aming buhay (While the world knew Tom through his remarkable acting career, we knew him for his humor, curiosity, wisdom, generosity, and the love he brought into our lives),” pahayag ng kanyang pamilya. “Lubos siyang nagmalasakit sa imahinasyon, pagkamalikhain, pagkukuwento, paglilingkod, mga beterano, kalikasan at pagtulong sa iba na mahanap at maibahagi ang sarili nilang tinig (He cared deeply about imagination, creativity, storytelling, service, veterans, the natural world, and helping others find and share their own voices).”


Kilala si Skerritt sa kanyang matipunong hitsura at kakayahang gumanap sa iba't ibang genre. Naghatid siya ng mga di-malilimutang pagganap sa mga pangunahin at pansuportang papel sa pelikula at telebisyon.


Nagsimula ang malaking pagsikat ni Skerritt nang gumanap siya bilang isang suwail na siruhano ng U.S. Army sa black comedy na “M*A*S*H” noong 1970, sa direksiyon ni Robert Altman. Tampok din sa pelikula sina Donald Sutherland, Elliott Gould at Sally Kellerman.


Ginampanan ni Skerritt ang karakter na si Duke Forrest, isang taga-Timog ng Estados Unidos, habang ginagamot ng mga doktor sa isang mobile army surgical hospital ang mga sugatang sundalo.


Naging popular ang pelikula sa panahong lumalakas ang pangamba ng mga Amerikano sa Digmaang Vietnam. Nominado ito sa limang Academy Awards.


Sa science fiction horror na “Alien” noong 1979, sa direksiyon ni Ridley Scott, gumanap si Skerritt bilang si Dallas, ang kapitan ng isang sasakyang pangkalawakan na nakatagpo ng nakamamatay na parasitikong nilalang mula sa kalawakan.


Sa isa sa mga pinakatanyag at madugong eksena ng pelikula, na kilala bilang “chestburster,” katabi ng karakter ni Skerritt ang kapwa aktor na si John Hurt nang biglang lumabas ang isang batang alien mula sa katawan ng karakter ni Hurt.


Nominado sa dalawang Oscar ang “Alien,” na kinikilalang isang maimpluwensiyang obra sa genre ng science fiction horror. Kabilang din sa mga bumida rito sina Sigourney Weaver at Ian Holm.


“Ang pagiging kusang-loob at pagsunod sa likas na damdamin ang siyang nagbibigay ng pagkakaiba, at iyon ang naramdaman kong mayroon kami sa ‘Alien.’ Agad kaming nagkaroon ng magandang ugnayan sa isa't isa, kasama ang paggalang ko sa ibang mga aktor at ang paggalang nila sa akin (It is spontaneity and impulse that make the difference, and that is what I felt we had with 'Alien.' Every one of us had that immediate rapport with each other — the respect that I had for the other actors and the respect that they had for me),” sinabi ni Skerritt sa panayam ni Peter Sobczynski noong 2019. Pinuri rin niya ang husay ni Scott bilang direktor.


Ilan sa mga pelikulang kinabilangan ni Skerritt ang nagtatampok ng malalakas na karakter ng kababaihan, kabilang ang “Alien,” kung saan ginampanan ni Weaver ang matapang na si Ripley. Itinuturing itong makabago noong panahong iyon.


“Isa sa mga pinakanagustuhan ko sa iskrip nang basahin ko ito ay ang pagiging babae ng pangunahing bayani. Nagustuhan ko iyon (When I read the script, one of the things that I liked most about it was that the woman becomes the hero. I loved that),” ani Skerritt.


“Ang makita ang mga babaeng nasa posisyon ng lakas at katatagan upang makabuo ng tamang ugnayan at makapagpasya nang wasto ang siyang nagustuhan ko. Naranasan ko rin iyon sa ‘Steel Magnolias,’ sa pamamagitan ng mga babaeng karakter doon. Nagustuhan ko ang ideya ng mga babaeng matatag, malakas at may impluwensiya (The sight of women being in positions of strength and fortitude to make the right connections and decisions was what appealed to me. I experienced that as well in 'Steel Magnolias,' with the women in that. I liked the idea of women being tough and strong and influential).”


Sa pelikulang “Steel Magnolias” noong 1989, ginampanan niya si Drum Eatenton, asawa ng karakter ni Sally Field na si M'Lynn Eatenton.


Kinuha naman siya ni Tony Scott, kapatid ng direktor ng “Alien,” upang gumanap bilang si Viper Metcalf, isang instruktor ng naval aviation, sa blockbuster na “Top Gun” noong 1986. Nakatulong ang pelikulang ito upang lalo pang sumikat sa Hollywood ang aktor na si Tom Cruise.


Ginampanan din ni Skerritt ang asawa ng karakter ni Shirley MacLaine sa ballet drama na “The Turning Point” noong 1977, sa direksiyon ni Herbert Ross. Kasama rin niya ang umuusbong noon na aktor na si Brad Pitt sa pelikulang “A River Runs Through It” noong 1992, sa direksiyon ni Robert Redford.


Kabilang pa sa mga pelikulang kinabilangan niya ang “Harold and Maude” (1971), “Ice Castles” (1978), “The Dead Zone” (1983), “Poltergeist III” (1988), “Contact” (1997), “Tears of the Sun” (2003) at “Ted” (2012).


Sa telebisyon, bumida si Skerritt sa seryeng “Picket Fences” ng CBS mula 1992 hanggang 1996. Ginampanan niya ang isang sheriff sa isang bayan sa Wisconsin at nagwagi ng Emmy noong 1993 bilang pinakamahusay na pangunahing aktor sa isang seryeng drama.


Ipinanganak si Skerritt noong Agosto 25, 1933, sa Detroit. Naglingkod muna siya sa U.S. Air Force bago naging aktor. Nagsimula ang kanyang karera sa pelikula noong 1962 sa “War Hunt,” kung saan nakasama niya ang noo'y batang aktor na si Redford.


May lima siyang anak at tatlong beses siyang nagpakasal.


bottom of page