top of page

Belle Mariano, sasabak sa concert ni Edgar Mortiz kasama ang mga batikang mang-aawit

Kimberly Asis / Sari Story News

October 8, 2026 at 3:37:09 AM

Larawan ni Edgar Mortiz and Belle Mariano.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Edgar Mortiz.

INSTAGRAM / Edgar Mortiz

Makakasama ng “New Gen Superstar” na si Belle Mariano ang mga beteranong mang-aawit na sina Bituin Escalante, Tirso Cruz III, at Christian Bautista bilang mga special guest sa nalalapit na concert ni Edgar “Bobot” Mortiz na “Goin’ Standard The Repeat,” na gaganapin sa Oktubre 10, 2026, sa Proscenium Theater sa Rockwell Center, Makati City.                                     


Kamakailan, inanunsyo ni Mortiz, 72, ang star-studded lineup para sa kanyang concert. Makakasama ng beteranong aktor, mang-aawit, at television director sina Escalante, Cruz, Bautista, at Mariano, na pinakabata sa mga special guest performers.


Sa isang social media post, nagbahagi si Mortiz ng mga larawan at behind-the-scenes moments kasama ang kanyang mga guest, kabilang ang mga kuha mula sa kanilang rehearsals.


“Eto na ang mga bigating makakasama ko sa repeat!” aniya, habang binanggit ang lahat ng kanyang special guests.


Inimbitahan din niya ang kanyang mga follower na manood ng concert.


“Kita kita tayo sa October 10, 7 pm, sa Proscenium Theater,” aniya.


Agad namang nagpaabot ng suporta ang mga fan ni Mariano matapos ang announcement, kung saan marami ang nag-iwan ng mensahe sa comment section.


“Thank you in advance po for making Belle a part of this milestone. Cheers to more years in the industry!” komento ng isang fan.


“Congrats po Direk. Good luck also to our dear Belle,” saad naman ng isa pa. May isa rin na simpleng nagkomento ng, “something to look forward to.”


Nauna nang isinagawa ni Mortiz ang unang “Goin’ Standard” concert noong Hunyo 13 sa parehong venue.


Hango ang concert sa 2024 album ni Mortiz na “Goin’ Standard,” isang koleksiyon ng walong classic vocal standards at covers na sumikat sa pag-awit ni Frank Sinatra. Kabilang sa mga kanta sa album ang “You and Me (We Wanted It All),” “You Turned My World Around,” at “You Will Be My Music.”


Nagwagi si Mortiz sa “Tawag ng Tanghalan” noong 1967 at ilang dekada na siyang bahagi ng industriya ng entertainment bilang mang-aawit at television director. Nakilala siya sa mga kantang “My Pledge of Love” at “Alaalang Nagbabalik,” pati na rin sa pagdidirek ng mga programang “Luv U,” “Happy ToGetHer,” at “Goin’ Bulilit.”


Sa “Goin’ Bulilit” unang nagkasama sa trabaho sina Mortiz at Mariano. Sumali si Mariano sa sikat na children’s gag show noong 2012 at naging bahagi ng cast nito hanggang 2015.


Mula noon, nakilala si Mariano bilang isang batang aktres at performer at lalo pang sumikat sa hit teen series na “He’s Into Her” at iba’t ibang romance at drama projects. Kabilang sa kanyang mga pinakabagong proyekto ang “Tayo Sa Wakas,” kung saan kasama niya ang kanyang onscreen partner na si Donny Pangilinan.


Isa rin si Mariano na mang-aawit. Sinimulan niya ang kanyang music career sa pamamagitan ng kanyang debut single na “Sigurado” noong 2021 at nakilala rin sa mga kantang “Tanging Dahilan,” “Bugambilya,” at “Like U.”


Sa kanyang nalalapit na pagganap sa “Goin’ Standard The Repeat,” muling makakasama ni Mariano si Mortiz ilang taon matapos ang kanilang pagsasama sa “Goin’ Bulilit,” habang mabibigyan din siya ng pagkakataong makasama sa entablado ang mga batikang performer.


Available ang mga ticket para sa concert sa TicketWorld website.

bottom of page