top of page

Becky Armstrong, sa Manila sisimulan ang kauna-unahang world tour

Kimberly Asis / Sari Story News

November 10, 2026 at 10:30:14 AM

Larawan ni Becky Armstrong.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Becky Armstrong.

INSTAGRAM / Becky Armstrong

Nakatakdang dalhin sa Manila ng Thai actress-singer na si Rebecca Patricia Armstrong, na mas kilala bilang Becky, ang kauna-unahan niyang world tour na ‘UNSPOKEN’ sa Disyembre 13, 2026. Dahil dito, Pilipinas ang magsisilbing unang destinasyon ng kanyang international concert tour.


Kilala si Becky sa kanyang pagganap sa psychological thriller series na "Girl From Nowhere: The Reset." Sa edad na 23, siya ang kauna-unahang Thai actress na magsasagawa ng world tour.


Sa Manila sisimulan ni Becky ang kanyang 2026–2027 tour bago magtungo sa Latin America sa 2027. Kabilang sa mga susunod na lungsod na bibisitahin niya ang Mexico City, Guadalajara, Lima, Santiago at São Paulo. Inaasahan ding mag-aanunsyo pa ng karagdagang mga lungsod sa mga susunod na araw.


“Sometimes, things don't need to be said out loud to know they're going to be monumental. This is one of those times,” pahayag ng concert promoter na CDM Entertainment sa social media. “The secret is out, and there's no keeping quiet now. Spread the word and see you soon, Angels!”


Samantala, hindi pa inaanunsyo ang iba pang detalye tungkol sa Manila concert, kabilang ang venue, presyo ng tickets at seat plan.


Hango ang pangalan ng tour sa nalalapit na EP ni Becky na “UNSPOKEN,” na nakatakdang ilabas sa Nobyembre 13. Kamakailan, nagbigay siya ng pasilip sa kanyang limang-track EP sa social media at ibinahagi ang tracklist nito na kinabibilangan ng “Here Right Now,” “Skin,” “Stuck in Between,” “Unsaid,” at “Tonight.”


Kasunod ang nalalapit na concert tour ng paglabas ng kanyang latest single na ‘Stuck in Between’ noong Hulyo. Sinimulan naman ni Becky ang kanyang music career noong Mayo 2026 sa pamamagitan ng debut single niyang “Skin,” na inilabas sa ilalim ng WILD Group.

bottom of page