Bea Alonzo, muling natsismis na buntis matapos lumabas ang birthday video
Kimberly Asis / Sari Story News
October 23, 2026 at 10:43:05 AM
Muling napag-usapan si Bea Alonzo kaugnay ng mga espekulasyon tungkol sa pagbubuntis matapos mapansin ng mga netizen ang isang video mula sa kanyang kamakailang pagdiriwang ng kaarawan. May ilan kasing naghinalang nagdadalang-tao ang aktres at negosyante.
Nagdiwang si Bea ng kanyang ika-39 na kaarawan noong Sabado, Oktubre 17. Maraming tagahanga ang nag-iwan ng komento sa isang video na ibinahagi sa Instagram ng fan page ng aktres.
Sa gitna ng mga pagbati ng kanyang mga tagahanga, may ilang netizen na nagtanong kung buntis ba si Bea. May ilan ding nagbigay-kahulugan sa kanilang napansin sa hitsura ng aktres.
“Buntis ba si Bea? Yung mukha niya parang buntis,” komento ng isang netizen. May isa naman na nagsabi ng, “She looks pregnant I can tell by the nose.”
“Bakit hindi nagpapakita ng tiyan si idol,” tanong ng isa pang netizen. May isa naman na sumagot ng, “She’s not yet pregnant.”
Samantala, may iba namang nakapanood ng video ang nagsabing "blooming" si Bea.
Makikita sa video si Bea na nagdiriwang ng kanyang kaarawan kasama ang kanyang asawang negosyanteng si Vincent Co, pati na ang kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay.
Sa isang bahagi ng video, makikitang hinihipan ni Bea ang mga kandila sa kanyang birthday cake habang hawak ito ni Vincent. Makikita rin sa clip ang ilang kuha sa mag-asawa habang magkasama, kabilang ang paglabas nila sa venue kung saan nakahawak si Bea sa braso ni Vincent.
Noong nakaraang taon, kumalat din online ang kahalintulad na mga espekulasyon matapos mag-viral ang isang larawan nina Bea at Vincent. Nang makita ng ilang netizen ang larawan mula sa birthday party ng aktres na inorganisa ng kanyang mga staff, inakala nilang buntis siya. Para sa kanila, tila tinatakpan ni Bea ang kanyang tiyan gamit ang isang bouquet ng mga bulaklak.
Agad namang pinabulaanan ni Bea ang mga espekulasyon. Sa pamamagitan ng Instagram, nilinaw niyang hindi siya nagdadalang-tao.
“For anyone curious about 'the picture' — just caught at a bad angle after an amazing dinner. Glowing, not expecting,” saad niya sa kanyang post noong panahong iyon.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag si Bea kaugnay ng pinakabagong mga espekulasyon tungkol sa kanyang pagbubuntis.
Kinumpirma ni Bea ang relasyon nila ni Vincent noong Agosto ng nakaraang taon. Kalaunan, ikinasal ang dalawa sa isang pribadong seremonyang sibil na pinangunahan ni Makati Mayor Nancy Binay noong Hulyo 13.

