BB Gandanghari, may pasilip sa pelikula tungkol kay Rene Baterbonia
Kimberly Asis / Sari Story News
November 9, 2026 at 10:25:41 AM
Inilabas na ni BB Gandanghari ang teaser trailer ng pelikulang tungkol sa yumaong basketbolista na si Rene “Bobet” Baterbonia, na siya rin ang nagdidirehe.
Noong Nobyembre 8, ibinahagi ni Gandanghari sa Facebook ang teaser kalakip ang caption na, “Where it all started #ImJustAKidWithABigDream – Coming Soon.” Tampok sa video ang isang batang lalaki na nakasuot ng basketball jersey na may nakasulat na apelyidong Baterbonia at numerong 10.
Isasalaysay sa pelikula ang buhay ni Baterbonia, isang 18-anyos na basketball player mula sa Talacogon, Agusan del Sur, na maagang binawian ng buhay matapos malunod sa isang team-building activity ng kanilang varsity team sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 2026.
Si Gandanghari, na dating nakilala bilang aktor na si Rustom Padilla, ay patuloy ding nagbabahagi ng mga update tungkol sa paghahanda para sa pelikula. Sa isa pa niyang Facebook post, ibinahagi niya ang pagbisita sa Talacogon, Agusan del Sur, para sa ocular inspection. Nag-post din siya ng mga video kung saan makikita siyang kasama ang ilang miyembro ng production team habang nagsasagawa ng paunang pagbisita sa lugar.
Katuwang ni Gandanghari sa proyekto ang ilang filmmaker mula sa Mindanao upang maisapelikula ang kuwento ng yumaong student-athlete.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye tungkol sa pelikula, kabilang ang mga artistang gaganap bilang mga magulang ni Baterbonia at iba pang karakter.
Ang proyekto rin ang magsisilbing directorial debut ni Gandanghari.

