top of page

Award-winning filmmaker Arfat Sheikh, dinakip ng US immigration officials

Sandra Samala-Salem

October 8, 2026 at 9:20:17 AM

Larawan ng isang ICE agent

FILE PHOTO: Isang Immigration and Customs Enforcement (ICE) agent ang nagtataas ng daliri ilang sandali matapos arestuhin ang isang lalaki sa isang operasyon laban sa mga iligal na imigrante, ilang araw matapos mapatay sa pamamaril ng isang ICE agent si Renee Nicole Good, sa Minneapolis, Minnesota, U.S., Enero 18, 2026.

Leah Millis/File Photo/Reuters

WASHINGTON — Isang award-winning filmmaker na tumatalakay sa kanyang mga pelikula hinggil sa tunggalian sa kanyang katutubong Kashmir ang dinakip ng mga opisyal ng US immigration matapos legal na pumasok sa Estados Unidos para mag-aral at kalaunan ay maghain ng asylum, ayon sa kanyang pamilya at mga kaibigan noong Miyerkules.


Kinumpirma ng Department of Homeland Security (DHS) noong Miyerkules na inaresto si Arfat Sheikh noong Setyembre 24. Ayon sa ahensya, “legal na pumasok si Sheikh sa US sa ilalim ng pansamantalang pahintulot at ilegal na lumampas sa itinakdang panahon ng kanyang legal na pananatili (legally entered the US on a temporary basis and illegally overstayed his lawful admittance).”


Sinabi ng DHS na ang isang nakabinbing aplikasyon ay hindi awtomatikong nagbibigay ng legal status sa US, habang idinagdag na ipagkakaloob pa rin kay Sheikh ang nararapat na due process.


Ayon sa pahayag ng mga kamag-anak at kaibigan na nananawagan para sa kanyang pagpapalaya, dinakip si Sheikh ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE), isang ahensya sa ilalim ng DHS, matapos bumaba sa eroplanong nagmula sa California sa Washington Dulles International Airport.


Inilahad sa pahayag na si Sheikh, na kasalukuyang nakatira sa Alexandria, Virginia, ay pumasok sa US noong 2019 gamit ang student visa upang kumuha ng graduate studies sa film sa Georgia State University. Naghain siya ng asylum application noong 2020, bagamat hindi tinukoy sa pahayag ang partikular na dahilan ng kanyang paghahain. Nakasaad din dito na mayroon siyang nakabinbing immigration application at awtorisadong magtrabaho at manirahan sa US.


Sinabi ng administrasyon ni President Donald Trump noong Agosto na nagsisikap itong “tukuyin at bawiin ang non-immigrant visas ng mga dayuhang pumasok sa US na nagsabing panandalian lamang silang mananatili, ngunit kalaunan ay naghain ng asylum upang manatili rito nang permanente (to identify and revoke the non-immigrant visas of foreigners who have come to the US claiming to be short-term visitors, but then file for asylum to stay here permanently).”


Ipinatutupad ni Trump ang mas mahigpit na kampanya laban sa ilegal na immigration at deportation na aniya ay naglalayong palakasin ang pambansang seguridad. Sinabi naman ng mga rights advocate na nilalabag ng naturang crackdown ang due process at karapatan sa malayang pagpapahayag, bukod sa lumilikha ito ng hindi ligtas na kalagayan, lalo na para sa mga ethnic minority na nagpahayag ng pangamba sa racial profiling.


Ang unang feature film ni Sheikh na “Saffron Kingdom,” na inilabas noong 2024, ay pinarangalan bilang Best Feature Film sa Chicago Filmmakers Awards, LA Film and Documentary Awards, Melbourne Independent Film Festival, at Wake Forest Film Festival. Si Sheikh, na nagmula sa bahagi ng Kashmir na pinangangasiwaan ng India, ay tumanggap din ng Emerging Filmmaker Activist Award sa Teaneck International Film Festival.


Tinalakay sa pelikula ang tunggalian sa Kashmir sa pamamagitan ng kuwento ng isang pamilya mula sa Srinagar sa Kashmir na pinangangasiwaan ng India noong dekada 1990 hanggang sa Atlanta noong 2019.


Ang Kashmir, na may mayoryang populasyon ng Muslim, ay buong inaangkin kapwa ng Hindu-majority India at Islamic Pakistan. Bahagi lamang ng rehiyon ang kontrolado ng bawat bansa at ilang beses na rin silang naglaban dahil dito. Binawi ng India ang constitutional autonomy ng Kashmir noong Agosto 2019.


bottom of page