top of page

Austrian na nagplano ng pag-atake sa Taylor Swift concert, natalo sa privacy case laban sa Disney

Sandra Samala-Salem

September 30, 2026 at 4:16:01 PM

Larawan ni Taylor Swift

Dumalo si Taylor Swift sa 2026 MTV Video Music Awards sa Los Angeles, California, US, Setyembre 27, 2026.

Caroline Brehman / Reuters

Nabigo noong Miyerkules ang isang Austriano na nahatulang nagplano ng nabigong pag-atake sa concert ni Taylor Swift sa Vienna noong 2024 sa isinampa niyang privacy lawsuit laban sa Disney dahil ipinakita sa docu-series na “Taylor Swift: The End of an Era” ang bahay ng kanyang mga magulang.


Ang lalaki, na kinilalang si Beran A, ay sinentensiyahan noong Mayo ng 15 taong pagkakakulong. Nakakulong na siya mula nang maaresto noong Agosto 2024.


Sa isang episode ng serye, na unang ipinalabas noong Disyembre 2025, ipinakita nang ilang segundo ang bahay ng kanyang mga magulang sa isang bayan na isang oras ang biyahe mula Vienna, ngunit hindi binanggit ang pangalan niya.


“Hindi siya nakatira roon. Dalawang taon na siyang hindi nakatira roon (He doesn't live there. He hasn't lived there for two years),” ayon sa desisyon ni Judge Nicole Baczak, at idinagdag nitong wala ring posibilidad na doon pa siya muling manirahan sa malapit na hinaharap.


Sinabi rin ni Baczak na walang epekto ang malawakang pag-uulat ng media tungkol sa pangalan ni Beran A, at ang mga address ng tahanan sa pangkalahatan ay hindi itinuturing na impormasyong dapat bigyan ng pinakamataas na antas ng legal na proteksiyon.


Hindi dumalo si Beran A sa isang oras na paglilitis. Sinabi ng kanyang abogado na si Ulrike Zeller na iaapela niya ang desisyon.


Mapapanood ang palabas sa Europe sa Disney+, ngunit inalis noong Mayo ang bahagi kung saan ipinakita ang address.


Sinabi sa korte ng abogado ng Disney na si Georg Kresbach na tumanggap ang mga magulang ni Beran A ng tig-€3,000 ($3,400) bilang kompensasyon dahil ipinakita ang kanilang bahay sa serye, alinsunod sa hiwalay na kasunduan.


Nahatulan siya noong Mayo sa iba’t ibang kaso, karamihan ay may kaugnayan sa terorismo, kabilang ang tangkang iligal na pagbili ngunit hindi nagtagumpay ng mga armas gaya ng machine gun at hand grenade, pati na ang pagsunod sa mga tagubilin sa isang video ng Islamic State na pinamagatang “Make a bomb in the kitchen of your mom” para gumawa ng maliit na halaga ng pampasabog na triacetone triperoxide.


($1 = 0.8810 euros)

bottom of page