top of page

Ate Gay, pumanaw sa edad na 55 matapos ang matagal na laban sa cancer

Kimberly Asis / Sari Story News

November 2, 2026 at 10:07:31 AM

Larawan ni Ate Gay.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni Gil Aducal Morales.

FACEBOOK / Gil Aducal Morales

Pumanaw na ang stand-up comedian at TV host na si Ate Gay, na ang tunay na pangalan ay Gil Aducal Morales, sa edad na 55 noong Linggo, Nobyembre 1, matapos ang matagal na pakikipaglaban sa cancer. Kinumpirma ng kaniyang pamilya ang kaniyang pagpanaw sa pamamagitan ng isang pahayag na ibinahagi sa opisyal na Facebook page ng komedyante.


“It is with profound sadness and heavy hearts that our family announces the passing of our beloved Gil Aducal Morales, lovingly to many as Ate Gay, on November 1, 2026,” anunsyo ng pamilya.


"After bravely fighting for his life, while surrounded by his family, our beloved Ate Gay has peacefully passed away."


Nagpasalamat din ang pamilya sa lahat ng nagpaabot ng panalangin, pagmamahal, tulong pinansyal, at walang sawang suporta kay Ate Gay sa gitna ng kaniyang pakikipaglaban sa karamdaman.


"Your kindness and generosity have meant so much to our family. We kindly ask for your continued prayers for his eternal repose and for strength and comfort for our grieving family," dagdag pa sa pahayag.


"Rest peacefully in the loving arms of our Lord, Ate Gay. You will forever remain in our hearts," pagtatapos ng pamilya.


Sa mga susunod na araw pa iaanunsyo ang detalye ng kaniyang burol at libing.


Ilang araw bago ang kaniyang pagpanaw, ibinahagi ng pamilya ni Ate Gay na nasa kritikal na kondisyon siya at naka-confine sa intensive care unit (ICU), kung saan umaasa na lamang siya sa life support. Kabilang sa mga naging kondisyon niya ang septic shock, acute respiratory failure secondary to pneumonia, at stroke.


Matapos makumpirma ang kaniyang pagpanaw, napuno ng mga mensahe ng pakikiramay at pagpupugay ang social media mula sa kaniyang mga kaibigan, kasamahan sa industriya, at tagahanga. Marami ang nagbahagi ng kanilang personal na kuwento at masasayang alaala kasama ang yumaong komedyante, na kilala rin bilang "Mash-up Queen" ng Philippine comedy.


Ilan sa mga personalidad sa industriya ng showbiz na nagbigay-pugay sa kaniya ay ang mga kapwa komedyante at performer na sina Tuesday Vargas, Juliana Parizcova, Atakstar Arana, at Allan K.


Sa isang mahabang social media post, binalikan ni Tuesday Vargas kung paano nanatiling positibo si Ate Gay sa kabila ng mabigat na pinagdaraanan nitong laban sa sakit. Ibinahagi rin niya ang naging impluwensiya ng komedyante sa kaniya at sa iba pang performer sa industriya.


“Sept 2025. Sabi ng lahat tapos na. Pero sa araw na yan ng picture natin, you looked so optimistic. We all believed kaya nating lumaban, and you did! For more than a year you fought a hard battle and yet you stayed soft and kind.


"Looking back at this moment with Ate Gay, it’s hard to find the right words to capture the size of the void left by her passing. I woke up feeling this emptiness today Ate Gay. Iniwan mo na din kami,” saad ni Vargas.


Inilarawan ni Vargas si Ate Gay bilang isang pioneer at tunay na icon ng komedya. Kuwento niya, sinisikap niyang mapanood ang mga pagtatanghal nito tuwing nagkakasama sila sa iisang show.


Naalala rin niya si Ate Gay bilang isa sa pinakamabait na beteranong entertainer na nakilala niya nang magsimula siyang mag-perform sa isang comedy bar sa Malate sa edad na 19.


Ayon kay Vargas, nakatulong ang talento, mabilis na pag-iisip, pagpapatawa, at katatagan ni Ate Gay upang mabuksan ang mga oportunidad para sa iba pang performer. Mula sa comedy bar scene, unti-unti itong nakilala hanggang sa makapag-iwan ng marka sa mainstream television, blockbuster films, at malalaking concert stage.


Binigyang-diin din ng aktres at singer na naging inspirasyon si Ate Gay sa maraming nangangarap makapasok sa entertainment industry. Ipinakita umano nito kung paano gawing magaan ang mga pagsubok sa buhay sa pamamagitan ng katatawanan at kung paano manatiling totoo sa sarili sa kabila ng tagumpay.


“Thank you for the endless laughter, the shared stages, and the masterclass in resilience, Ate Gay. The comedy scene will never be the same without your light, but your legacy will forever live on in every punchline and every heart you touched. Rest in power and peace, my friend,” pagtatapos ni Vargas.


Nagbigay-pugay din si Allan K kay Ate Gay at inalala ang saya na naihatid ng komedyante sa napakaraming tao sa pamamagitan ng mga kilala nitong mashup at nakatutuwang one-liner.


"Paalam Ate Gay, Salamat sa mga tawa. Maraming tao kang napasaya sa mga mashups at simpleng hirit mo," sulat ni Allan K.


Matagal nang magkaibigan at magkasama sa trabaho sina Ate Gay at Allan K. Naging bahagi rin ng Klownz at Zirkoh si Ate Gay, ang mga kilalang comedy bar na itinatag at pagmamay-ari ni Allan K.


Nagbahagi rin si Juliana Parizcova Segovia ng maikli ngunit madamdaming mensahe para sa yumaong komedyante.


"You are one of the kindest person ive ever met in showbiz..we will miss u Ate Gay," saad niya sa kaniyang post, kalakip ang isang video nilang magkasama na may mensaheng, "Thank you for the wonderful friendship."


Samantala, nagbahagi naman si Atakstar Arana, na mas kilala bilang Atak, ng throwback photo nila ni Ate Gay na kuha sa Sydney dalawang taon na ang nakalilipas.


Sa kaniyang madamdaming pagpupugay, binalikan ni Atak ang kanilang pinagsamahan at ang iconic na ekspresyon ni Ate Gay na "Mali!"


"Itong picture natin dito sa Sydney bago tayo mag show 2 years ago at Kowboy Bar and Grill Blacktown , at dito ako ngayon wala ka na ate Gil Aducal Morales. Mali! Yun ang iconic and magic word mo bilang mash up queen ng Pilipinas.


"Wala na kaming Superstar sa comedy bar ate gay. Magpahinga ka na ate gay. Sa langit muna ipagpatuloy ang pagpapatawa. Paalam master," sulat ni Atak.


Unang ibinahagi ni Ate Gay noong Setyembre 2025 na na-diagnose siya ng mucoepidermoid squamous cell carcinoma, isang bihirang uri ng cancer.


Noong Oktubre 15, nagsagawa rin siya ng isang "living funeral," kung saan nagtipon ang kaniyang pamilya at mga kaibigan upang magbigay-pugay sa kaniya habang siya ay nabubuhay pa.


Ang pagpanaw ni Ate Gay ay nagmamarka sa pagkawala ng isa sa mga pinakakilalang comedy performer sa bansa. Sa pamamagitan ng kaniyang talento, pagpapatawa, at mga hindi malilimutang mashup, naghatid siya ng saya sa hindi mabilang na manonood at nag-iwan ng pangmatagalang marka sa industriya ng aliwan sa Pilipinas.

bottom of page