top of page

Ate Gay, kasalukuyang nasa ICU, pamilya nananawagan ng dasal at tulong-pinansyal

Kim Asis / Sari Story Network

October 28, 2026 at 10:09:54 AM

Larawan ni Ate Gay

Na-diagnose si Ate Gay ng stage 4 na mucoepidermoid cancer noong 2025 at mula noon ay patuloy na niyang nilalabanan ang sakit na ito.

Mula sa Facebook account ni Gil Aducal Morales

Halos isang linggo nang naka-confine sa intensive care unit (ICU) ng Asian Hospital ang stand-up comedian at TV host na si Ate Gay. Nanawagan ng tulong-pinansyal ang kaniyang pamilya matapos umanong lumampas sa ₱2 milyon ang kaniyang hospital bills.


Si Ate Gay, na ang tunay na pangalan ay Gil Aducal Morales, ay na-diagnose na may stage 4 mucoepidermoid cancer noong 2025 at patuloy na lumalaban sa sakit mula noon.


Regular ding nagbibigay ng updates ang komedyante sa kaniyang mga tagahanga tungkol sa kaniyang kalagayan sa pamamagitan ng social media. Noong Hunyo, ibinahagi niyang batay sa resulta ng kaniyang MRI scan, wala nang nakitang bukol sa kaniyang leeg at ilong.


Noong Martes, October 27, naglabas ng madamdaming mensahe ang pamilya Morales sa Facebook page ni Ate Gay upang humingi ng tulong-pinansyal para sa patuloy na gastusing medikal ng komedyante.


Ibinahagi rin ng pamilya ang kanilang bank details at donation channels upang makapagpadala ng kontribusyon ang mga nais tumulong sa pagpapagamot ni Ate Gay.


“During this difficult time, our family is humbly reaching out to your kind hearts for any financial assistance to help support his ongoing medical needs. We are deeply grateful to everyone who has already extended their kindness and generosity,” ayon sa pamilya.


“No amount is too small. Every contribution, prayer, and share means so much to our family.”


Hiniling din ng pamilya ang panalangin ng publiko habang patuloy silang umaasa sa paggaling ni Ate Gay.


Bago ma-confine sa ICU, nakapagtanghal pa si Ate Gay sa dalawang comedy shows kasama ang kapwa niya mga komedyante noong October 17 at 18, ayon sa hiwalay na post sa Facebook.


Ang pinakahuling pagkakaospital ni Ate Gay ay naganap wala pang dalawang linggo matapos idaos ang isang “living funeral” para sa kaniya noong October 15 sa Biñan, Laguna, sa gitna ng patuloy niyang pakikipaglaban sa cancer.


bottom of page