Angelina Jolie, pangungunahan ang 2026 ASEAN inclusive growth summit sa Maynila
Sandra Samala-Salem / Paraluman News
November 7, 2026 at 9:01:14 AM
Nakatakdang dumating sa Maynila sa Nobyembre 11 ang Oscar-winning actress at global humanitarian na si Angelina Jolie bilang tampok na tagapagsalita sa 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit.
Makakasama ni Jolie ang kinikilalang Cambodian filmmaker na si Rithy Panh sa isang espesyal na talakayan na pinamagatang “From Memory to Possibility: Cambodia, Courage and the Power of Staying,” ayon sa mga organizer ng summit na Mastercard Center for Inclusive Growth.
Tatalakayin sa sesyon ang kanilang pinagsamang adbokasiya sa mga komunidad sa Timog-Silangang Asya, na nakatuon sa kaunlarang pinangungunahan ng mga komunidad, pangangalaga sa kasaysayan, at pangmatagalang pamumuhunan sa mga lokal na pamayanan.
Nauna nang nagsama sa isang proyekto sina Jolie at Panh sa makasaysayang pelikulang First They Killed My Fathernoong 2017, na umani ng papuri mula sa mga kritiko at naglahad ng kuwento ng isang batang babae na nakaligtas sa ilalim ng rehimeng Khmer Rouge. Mahigit dalawang dekada nang may ugnayan si Jolie sa Cambodia, na nagsimula sa kanyang mga unang misyong makatao at mga inisyatiba para sa pangangalaga ng kalikasan sa bansa.
Pinangunahan ng Mastercard Center for Inclusive Growth at ASEAN Business Advisory Council (ASEAN-BAC) Philippines ang pag-oorganisa ng summit, na nagsisilbing sentro ng pagtitipon ng mga tagapagpatupad ng polisiya, pinuno ng negosyo, lider ng civil society, at mga innovator sa rehiyon.
Kabilang sa mga pangunahing paksang tatalakayin ang digital transformation, akses sa serbisyong pinansyal, at napapanatiling pagpapalawak ng ekonomiya sa buong Timog-Silangang Asya.
Makakasama nina Jolie at Panh sa entablado ang ilang kilalang personalidad sa kultura at negosyo ng Pilipinas, kabilang ang Tony Award-winning Broadway star na si Lea Salonga, kilalang fashion designer na si Rajo Laurel, at si Kylie Verzosa, na nagwagi bilang Miss International 2016 at nagsusulong ngayon ng adbokasiya sa kalusugang pangkaisipan.
Sandra Samala-Salem/Paraluman News

