Anak ni Patrick Garcia na si Michelle, sumabak sa K-pop training ng SM Entertainment
Sari Story
September 9, 2026 at 9:09:04 AM
MAYNILA — Sumasailalim ngayon sa K-pop training sa Singapore si Michelle Celeste, 13-anyos na anak ng aktor na si Patrick Garcia, sa ilalim ng K-pop Professional Training Programme ng SM Entertainment sa SM Universe Singapore.
Ito ang kauna-unahang K-pop training academy sa Southeast Asia. Inilunsad ng SM Entertainment ang SM Universe Singapore noong 2025, gamit ang mga training method na hinango sa entertainment industry ng South Korea.
Dito’y tinuturuan ang mga estudyante ng singing, dancing, at overall performance, sa pangunguna ng mga Korean industry trainer na gumagabay sa kanila sa buong programa.
Ang SM Entertainment ang talent company na nasa likod ng ilan sa mga kilalang K-pop acts sa South Korea, kabilang ang EXO, Red Velvet, Super Junior, at Girls’ Generation.
Kamakailan ay lumabas si Michelle sa isang video na ibinahagi ng SM Universe Singapore sa Instagram, kung saan nagpakilala siya at ibinahagi ang kanyang karanasan sa programa.
“Hi, ako si Michelle Garcia. Nagmula ako sa Pilipinas, at ako’y 13 years old (Hi, I'm Michelle Garcia. I'm from the Philippines, and I’m 13 years old),” aniya.
Ibinahagi ni Michelle na bumibiyahe siya mula Pilipinas patungong Singapore tuwing Biyernes para dumalo sa kanyang K-pop classes.
“Sa tingin ko, sulit talagang sumali sa programang ito dahil marami kang matututunan (I think it's pretty worth it to join this program because you learn a lot),” sabi pa ni Michelle.
“May nakikilala kang mga bagong tao, mga bagong coach, at marami kang natututunan mula roon. Lalo na ang mga coach mula Korea na tumutulong sa iyong matutunan ang kanilang mga technique na natutunan nila sa loob ng maraming taon, at magandang gamitin ang mga ito sa iyong pagkanta at pagsasayaw (You meet new people, you meet new coaches, and that teaches you a lot. Especially coaches from Korea who help you learn their techniques [which] they have learned throughout the years, and it's good to apply it in your singing and your dancing),” dagdag pa niya.
Makikita rin sa video si Michelle habang sumasailalim sa singing at dance sessions, na nagbibigay sa mga manonood ng sulyap sa aktuwal niyang training kasama ang mga Korean industry trainer.
Ayon sa official website ng SM Universe Singapore, invite-only ang programa. Kailangang sumailalim muna sa screening at evaluation ang mga interesadong kalahok bago matanggap.
Kabilang sa faculty nito ang mga Korean industry trainer at iba pang professionals na may malawak na karanasan at expertise sa K-pop at entertainment industry.
Bukod sa paghasa ng kanyang performance skills, nakikita rin ni Michelle ang training bilang pagkakataon upang mas makilala ang kanyang sarili.
Hinimok niya ang iba pang kabataan na subukan ang mga bagay na hindi pa nila nakasanayan at magkaroon ng lakas ng loob na sumubok.
“Gawin mo lang. Sumubok ka lang, alam mo ‘yon? Hindi mo alam kung ano ang maaari mong matuklasan tungkol sa iyong sarili, sa iyong attitude, at sa iyong mga kakayahan. Hindi mo alam kung ano ang maaaring lumabas, at lahat ng ito ay para sa iyong growth at para sa iyo. Siguro ang masasabi ko, gawin mo lang para sa sarili mo (Just do it. Just take a risk, you know? You never know what you might find out about yourself, about your attitude, about your skills. You never know what might come out and this is all for your growth, and this is all for you. I guess I would say just do it for you),” ayon kay Michelle.
May karanasan na rin si Michelle sa pagpe-perform sa entablado bago siya nagsimulang mag-training sa Singapore. Noong 2024, napili siyang maging bahagi ng backup dance team para sa Philippine leg ng “H.E.R.E.H. World Tour Concert” ni IU sa Philippine Arena sa Bulacan.
Nang sumunod na taon, naging isa rin si Michelle sa mga bagong talents ng Star Magic ng ABS-CBN.
Si Michelle ang panganay na anak ni Patrick sa kanyang asawang si Nikka Martinez, na pinakasalan niya noong 2015. May dalawa pa silang anak na babae at isang anak na lalaki.
Patuloy namang sinusuportahan nina Patrick at Nikka si Michelle sa kanyang K-pop training journey habang hinahasa niya ang kanyang talento bilang isang batang performer.

