top of page

Anak ni Jhong Hilario na si Sarina, tuwang-tuwa nang makaharap si Alex Eala

Kimberly Asis / Sari Story News

November 27, 2026 at 2:10:02 PM

Larawan ni Alex Eala at Sarina Hilario.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Sarina Hilario.

INSTAGRAM / Sarina Hilario at Pamilya

Sa wakas, nakilala na rin nang personal ni Sarina, anak ni Jhong Hilario, ang kanyang iniidolong si Alex Eala. Naglaro pa ng tennis ang dalawa, pinirmahan din ni Alex ang magazine ni Sarina, at niyakap pa siya ng tennis star.


Sa isang Instagram post, ibinahagi nina Jhong at Sarina ang isang reel na tampok ang mga naging kaganapan sa pagkikita nila ng world No. 15 tennis player, kabilang na ang pagpapakuha nila ng litrato nang magkasama.


Ibinahagi rin ng limang taong gulang na si Sarina ang kanyang naging reaksyon sa pagkikita nila ni Alex. Aminado siyang nakaramdam siya ng hiya nang magkaharap sila.


“Guys, I’m so happy I saw ate Alex,” saad niya sa video. “I’m a little shy, because I didn’t know I was going to see her.”


Kuwento pa ng batang social media personality, hindi niya agad napagtantong si Alex na mismo ang nasa harapan niya nang una niya itong makita. Sa una kasi, inakala niyang hindi totoong si Alex ang kanyang kaharap.


“I thought it was a fake Alex, but she’s real,” dagdag niya. “Finally, I got to hug her.”


Samantala, ibinahagi rin ng mga magulang ni Sarina na sina actor-host Jhong at ang matagal na niyang non-showbiz partner na si Maia Azores ang kanilang paghanga kay Alex. Para sa kanila, isa itong magandang ehemplo at inspirasyon sa nakababatang henerasyon.


Ayon sa mag-asawa, mas naunawaan nila kung bakit hinahangaan at iniidolo ng kanilang anak ang tennis star matapos nila itong makilala.


“Alex is one of a kind. She’s incredible on the tennis court, wise beyond her years, and so grounded. We love how close she is to her family and how humble and genuinely kind she’s stayed through it all,” saad nila.


“When Sarina got shy and starstruck, Alex took the time to talk to her and help her feel comfortable. We’ll always remember how gentle she was with our little girl. It made us even prouder that this is who Sarina looks up to,” dagdag pa nila.


Hindi ito ang unang pagkakataong nagbigay ng espesyal na alaala si Alex kay Sarina. Noong Marso, nakatanggap din ang bata ng birthday video greeting mula sa tennis star.


Samantala, makakaharap ni Alex ang Indonesian tennis player na si Janice Tjen sa isang exhibition match sa Disyembre 8 sa Philippine Arena.

bottom of page