Alden Richards, dumalo sa closet sale ni Heart Evangelista
Sari Story
October 20, 2026 at 12:22:44 PM
Namataan si Alden Richards kasama ang kaibigang si Heart Evangelista, fashion influencer at aktres, sa dalawang araw na fashion bazaar nitong “Heart and Friends Closet Party.” Idinaos ang event noong Oktubre 18 at 19 sa Metrowalk Tent sa kahabaan ng Meralco Avenue sa Pasig City.
Sa isang video na ibinahagi ni Heart, makikitang masayang nag-uusap ang dalawa. Ipinakita rin ni Heart kay Alden ang ilan sa mga fashion piece mula sa kaniyang personal collection na ibinebenta sa bazaar.
Sa isang bahagi ng video, makikitang sinamahan ni Alden si Heart patungo sa kaniyang pop-up store at ginabayan ito sa paglalakad. Namili rin ang aktor ng ilang damit mula sa koleksiyon.
Bagama’t wala pa silang nagagawang proyekto nang magkasama, matagal nang magkaibigan sina Heart, 41, at Alden, 34. Noong 2023, pinanood ni Heart ang pelikulang “Five Breakups and a Romance,” kung saan gumanap si Alden bilang isa sa mga bida.
Nasa ilalim ng iisang agency at network sina Heart at Alden, na isa rin sa mga dahilan kung bakit nagkakilala at naging magkaibigan ang dalawa. Ibinahagi rin ni Alden sa kaniyang Instagram account ang ilang larawan at video mula sa event.
Dahil sa kanilang muling pagkikita, may ilang netizen na naghinalang posibleng may nakahandang proyekto ang dalawa. Gayunman, wala pang pahayag sina Heart at Alden kaugnay ng mga espekulasyong ito.
Samantala, dinagsa ng mga tagahanga at mamimili ang closet sale ni Heart. May ilan pang pumila nang maaga, bago pa man dumating ang aktres sa venue. Sinamantala rin ng iba ang pagkakataong magpakuha ng litrato kasama si Heart at magpa-autograph habang namimili.
Kabilang sa mga paninda sa pop-up ang mga pre-loved at designer item mula sa personal collection ni Heart, gaya ng mga bag, damit, sapatos at accessories. Nagsagawa rin siya ng mga live-selling session para sa mga produkto ng sarili niyang beauty at skincare brand.
Noong Abril, nagsagawa rin si Heart ng kaparehong dalawang araw na closet sale, na nagbigay sa mga mamimili ng pagkakataong makabili ng mga gamit mula sa kaniyang personal wardrobe habang nakatutulong sa isang adbokasiya.
Isa pang pamilyar na mukha ang namataan sa even; si Isabel Oli, asawa ng aktor at direktor na si John Prats, na nakita ring namimili.
Naganap ang fashion bazaar kasunod ng isa na namang mahalagang tagumpay ni Heart sa international fashion scene. Muli siyang kinilala bilang isa sa mga nangungunang Celebrity Voices sa pinakahuling Milan Fashion Week (MFW), na lalo pang nagpatibay sa kaniyang impluwensiya sa pandaigdigang industriya ng fashion.
Ayon sa fashion analytics firm na Launchmetrics, nakapagtala si Heart ng $9.8 milyon na Media Impact Value (MIV) sa Milan Fashion Week Spring/Summer 2027, na ginanap sa Italy mula Setyembre 22 hanggang 28.
Iniulat namang umabot sa kabuuang $528.3 milyon ang MIV na naitala sa naturang fashion event. Kasunod ito ng isa pa niyang tagumpay matapos manguna bilang numero unong Celebrity Voice sa New York Fashion Week (NYFW) sa United States.

