Al Pacino, tatanggap ng lifetime achievement award mula sa Screen Actors Guild
Danielle Broadway / Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
October 16, 2026 at 10:52:52 AM
LOS ANGELES — Tatanggap ng lifetime achievement award sa susunod na taon ang batikang aktor na si Al Pacino bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa sa larangan ng pag-arte at mga gawaing makatao, ayon sa anunsyo ng unyon ng mga aktor na SAG-AFTRA nitong Huwebes.
Kilala ang Amerikanong aktor sa pagganap bilang Michael Corleone sa mga pelikulang “The Godfather.” Siya ang ika-62 na tatanggap ng SAG-AFTRA Life Achievement Award. Igagawad sa kanya ang parangal sa Los Angeles sa ika-33 Actor Awards sa Pebrero 28, 2027. Live na mapapanood ang seremonya sa Netflix.
Ang pagkilala kay Pacino ay kasunod ng mahigit anim na dekada niyang karera sa pelikula, telebisyon at teatro. Kabilang sa mga hindi malilimutang karakter na kanyang ginampanan ang tunay na pulis na si Frank Serpico sa pelikulang “Serpico” noong 1973, ang gangster sa Miami na si Tony Montana sa “Scarface” noong 1983, at ang ahente sa Hollywood na si Marvin Schwarz sa pelikula ni Quentin Tarantino na “Once Upon a Time … in Hollywood” noong 2019.
Ayon sa unyon, taun-taon itong nagbibigay ng parangal sa isang aktor na kumakatawan sa
“pinakamataas na adhikain ng propesyon ng pag-arte (finest ideals of the acting profession).”
“Marami akong pinag-isipan at nilakbay sa halos buong buhay ko, ngunit palagi akong
nakadarama ng pagiging kabilang kapag may hawak na iskrip at kasama ang kapwa ko mga aktor (I wondered and wandered most of my life but have always felt at home with a script and my fellow actors),” pahayag ni Pacino sa inilabas na pahayag ng unyon ng mga aktor.
“Ang mismong pag-arte at ang mga aktor na nakasama ko sa paglalakbay na ito ang ilan sa mga pinakadakilang ligayang naranasan ko sa buhay. Isang karangalan na kilalanin ng SAG-AFTRA habang ipinagdiriwang ang paglalakbay na ito (It’s the work and the actors along the way that have been among the greatest joys of my life. It’s an honor to be recognized by SAG-AFTRA in celebrating the journey),” dagdag niya.
Nasungkit ni Pacino ang Oscar para sa Best Actor dahil sa pagganap bilang Lieutenant Colonel Frank Slade sa pelikulang “Scent of a Woman” noong 1992. Ilan din sa mga natanggap niyang parangal ang Emmy, Tony at Golden Globe Awards.
“Tulad ng maraming aktor, buong buhay kong hinangaan at pinahalagahan ang pambihirang puwersang likas kay Al Pacino. Kapag pinapanood mo siyang umarte, nasasaksihan mo ang isang mag-aaral at isang dalubhasa sa kanyang larangan (Like so many actors, I have spent my life in awe and appreciation of the force of nature that is Al Pacino. When you watch him perform, you are witnessing a student and a master),” pahayag din ni SAG-AFTRA President Sean Astin
Lumahok din si Pacino sa telethon na “America: A Tribute to Heroes” kasunod ng mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001. Noong 2009, tumanggap siya ng Jane Wyman Humanitarian Award mula sa Arthritis Foundation bilang pagkilala sa kanyang mga gawaing pangkawanggawa.
Ipinanganak sa New York ang 86-anyos na aktor na si Alfredo James Pacino. Nahirapan siyang makahanap ng tuloy-tuloy na trabaho noong dekada 1960 bago tuluyang nakamit ang tagumpay sa pelikula sa pamamagitan ng “The Godfather” noong 1972.
Kinakatawan ng SAG-AFTRA ang humigit-kumulang 160,000 aktor, tagapag-anunsyo, mamamahayag sa broadcast media, mananayaw, disc jockey, manunulat at editor ng balita, host ng programa, puppeteer, recording artist, mang-aawit, stunt performer, voice-over artist, influencer at iba pang propesyonal sa industriya ng aliwan at media.

