Aga Muhlach, Charlene Gonzales, todo-suporta kay Atasha sa gitna ng online bashing
Kimberly Asis / Sari Story News
September 22, 2026 at 11:30:10 AM
Sinigurado nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales na makadalo sa mahalagang gabi para sa kanilang anak na si Atasha nang dumalo ang celebrity couple sa opening night ng “Bongga Ka ‘Day!: The Annie Batungbakal Musical” noong Biyernes, Setyembre 18, sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.
Sa edad na 24, sinimulan ni Atasha ang panibagong yugto ng kanyang karera bilang artista sa pagganap bilang pangunahing karakter na si Annie Batungbakal, sa kabila ng mga negatibong komento na natanggap niya sa social media.
Sa kabila nito, sinamantala ni Aga ang pagkakataon upang ipaalala sa kanyang anak na hindi niya kailangang patunayan ang kanyang sarili kaninuman dahil lagi niyang makukuha ang suporta ng kanilang pamilya.
“Atasha, I’m just happiest for you. Congratulations. You got this. I've always believed in you. And we continue to believe,” ani Aga.
Binalikan din ng aktor ang mga pambabash na hinarap ng kanyang anak bago ang kanyang theatrical debut.
“Sabi ko nga kay Atasha, ‘yung noise na dinaanan mo, I'm happy na tapos na, nadaanan mo na ‘yun. So, now you’ve learned. Just work, you don't need to prove anything. Congratulations to you, we're proud of you, and let's keep doing it,” dagdag niya.
Ayon kay Aga, hindi niya personal na binasa ang mga negatibong komento, bagama’t alam niyang pinagdaanan ito ni Atasha. Sa ilang dekada niya sa showbiz, natutunan na rin niyang bahagi ng pagiging artista ang pagharap sa batikos at negatibong komento, lalo na kapag nagiging maayos ang takbo ng career.
Bukod kay Aga, nagpaabot din ng mensahe si Charlene para kay Atasha at ipinahayag ang kanilang buong pamilya kung gaano sila ka-proud na makita siyang patuloy na inaabot ang kanyang mga pangarap.
“Congratulations, Atasha. We're very, very proud of you, and we're happy to see that you are reaching for your dreams,” ani Charlene.
Nagpasalamat din ang dating beauty queen at aktres sa buong production team sa pagbibigay kay Atasha ng pagkakataong makatrabaho ang mga batikang artista at mahuhusay na creative.
“It's truly an honor for Atasha to be able to work with such talented actors and creatives just like all of you,” ani Charlene. “Maraming maraming salamat sa inyong pagmamahal and kindness na binibigay at shinare ninyo kay Atasha. From our family to yours, maraming maraming salamat and we love you all,” dagdag pa niya.
Samantala, hindi lamang sa theater journey ni Atasha makikita ang suporta ng pamilya sa isa’t isa. Nang mag-debut naman sa teatro ang kanyang kambal na si Andres bilang Adie sa “Bagets: The Musical,” naroon din sina Aga, Charlene, at Atasha upang suportahan siya sa kanyang mga pagtatanghal.
Sa pagkakataong ito, hindi naman nakadalo si Andres sa opening night ni Atasha dahil nasa Spain siya. Gayunman, sinabi ni Charlene na plano ng kanilang pamilya na bumalik at panoorin ang musical kasama si Andres sa ibang petsa.
Bukod sa suporta ng kanyang pamilya, may espesyal na kahulugan din para kay Atasha ang pagbabalik niya sa Newport Performing Arts Theater. Bahagi na ng kanyang theater journey ang naturang entablado mula pa noong bata siya. Labinlimang taon na ang nakalipas, sa parehong entablado, ginampanan niya ang karakter ni Brigitta von Trapp sa 2011 local production ng “The Sound of Music.”
Nagbukas ang “Bongga Ka ‘Day" production noong Setyembre 18 at mapapanood hanggang Oktubre 24, 2026.

