top of page

“Attention” ni James Reid, si Aiah ng BINI ang mystery girl?

Kimberly Asis / Sari Story News

September 25, 2026 at 11:38:26 AM

Larawan ni James Reid at babaeng hindi pa kilala.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni James Reid.

INSTAGRAM / James Reid

Naging usap-usapan online si James Reid matapos niyang mag-post sa Instagram ng teaser na tampok ang isang mystery girl, na agad pinaghinalaang si Aiah Arceta ng BINI ng ilang fans.


Ibinahagi ng singer-actor ang teaser noong Setyembre 23, kung saan mga mata lamang ng babae ang makikita sa repleksyon ng rearview mirror ng isang sasakyan ang ipinakita. “But those eyes kept me still,” caption ni James, na hango sa linya ng kanyang latest track na “Attention.”


Mabilis namang iniugnay ng mga BINI fan, na kilala bilang “Blooms,” ang teaser kay Aiah. Ilang fans ang nagsabing kahawig ni Aiah ang mga mata at titig ng babaeng nasa larawan, habang may isang netizen na nagkomento, “Mata pa lang alam na si Aiah eh.”


Lalong umingay ang espekulasyon nang magbahagi si James ng isa pang teaser na tila nagpapahiwatig ng paparating na music video.


“Keep your attention close, you might just catch what’s coming next,” ani James sa caption.


Bagama’t naniniwala ang ilang fans na maaaring si Aiah ang babaeng nasa larawan, wala pang kumpirmasyon mula kina James o Aiah tungkol dito o kung bahagi ba siya ng proyekto.


Ang teaser ay konektado sa latest single ni James na “Attention,” na inilabas noong Setyembre 10 bilang lead track ng kanyang 10-track studio album na “Honey, I’m Home.”


Kasama ang musical artist na si Luke April, co-producer at co-writer si James sa kanta sa ilalim ng Careless Music, ang record label na kanyang binuo at pagmamay-ari.


Samantala, patuloy pa rin si James sa kanyang mga proyekto sa musika at pag-arte. Kasalukuyan siyang bida kasama ang aktres na si Kathryn Bernardo sa romance-thriller na “Someone, Someday.”


Kabilang sa mga sikat na kanta ni James ang “Randomantic,” “Turning Up,” at “Bahala Na.”

bottom of page