top of page

‘Whalefall,’ tampok ang ugnayan ng mag-ama sa kuwento ng isang balyena

Reuters / Danielle Broadway; Isinalin ng Sari Story Network

October 16, 2026 at 4:46:01 AM

Larawan ni Brian Duffield

FILE PHOTO: Dumalo si Brian Duffield sa ika-29 na Critics Choice Awards sa Santa Monica, California, U.S., noong Enero 14, 2024.

Reuters / Aude Guerrucci

Para sa aktor na si Austin Abrams, higit pa sa kuwento ng isang binatang na-trap sa loob ng isang napakalaking sperm whale ang survival film na “Whalefall” ng 20th Century Studios ng Disney.


“Pakiramdam ko, ang talagang nakapukaw ng interes ko ay ang nakakabaliw na kuwentong ito tungkol sa isang taong nilunok ng balyena (I feel like what... drew interest for me was this insane story about getting swallowed by a whale),” ani Abrams, na kilala rin sa seryeng “Euphoria,” sa panayam sa Reuters.


Gayunman, ang mas nagpanatili ng interes ni Abrams sa pelikula ay ang masalimuot na ugnayan ng mag-ama na sentro ng kuwento.


Mapapanood sa mga sinehan simula Biyernes ang “Whalefall,” na umiikot sa karakter na si Jay Gardiner, na ginagampanan ni Abrams.


Sa pelikula, sumisid si Jay sa karagatan sa baybayin ng Central Coast ng California upang hanapin ang mga labi ng kanyang ama, ngunit nilamon siya ng isang dambuhalang sperm whale.


Dahil isang oras na lamang ang natitirang suplay ng oxygen niya, napagtanto ni Jay na ang mahihigpit na aral na itinuro ng kanyang ama tungkol sa karagatan at pagsisid ang maaaring tanging paraan upang siya ay makaligtas.


Si Brian Duffield ang direktor ng pelikula at katuwang ni Daniel Kraus sa pagsulat ng iskrip, na hango sa nobela ni Kraus na may kaparehong pamagat.


Kasama ni Abrams sa pelikula si Josh Brolin, na gumaganap bilang kanyang ama na si Mitt Gardiner.


“Hindi naman nagkukulang sa pagmamahal ang ama para sa anak o ang anak para sa ama. Ang mahalaga ay kung nasaan sila sa kani-kanilang buhay at kung paano sila nagtatagpo (There's not a dearth of love that the father has for the son or that the son has for the father. It's just where they're meeting in their lives),” ani Brolin.


Sa pamamagitan ng mga flashback, inilalahad ng pelikula ang magulong ugnayan nina Jay at Mitt.


Ipinakikita rin dito kung paano nakaapekto sa kanilang relasyon ang walang humpay na pagsisikap ni Mitt na mahawa ang kanyang anak sa matinding pagkahumaling niya sa karagatan.


Ayon kay Kraus, naisip niya ang konsepto ng “Whalefall” matapos mapanood ang isang viral video kung saan lumitaw ang isang humpback whale malapit sa isang kayaker at sandaling napunta sa loob ng bibig ng balyena ang huli.


Sa kanyang pananaliksik, natuklasan niya ang tungkol sa mga sperm whale, na may lalamunang sapat ang laki upang makalunok ng mga hayop gaya ng giant squid o, sa nobela niya, ng isang tao.


“Doon nagmula ang inspirasyon para sa kuwento (So that was the inspiration for the plot),” dagdag ni Kraus, na sinabing mas nabuo ang pelikula nang magpasya siyang ituon ang kuwento sa ugnayan ng magulang at anak.


bottom of page