‘Status: Rejected,’ magkakaroon ng international premiere sa Europe
Kimberly Asis / Sari Story News
October 9, 2026 at 11:14:40 AM
Ang indie drama ng Pilipinas na “Status: Rejected,” na pinagbibidahan ng award-winning actress na si Ruby Ruiz, ay magkakaroon ng international premiere sa Europe sa ika-30 edisyon ng Tallinn Black Nights Film Festival (PÖFF), na gaganapin mula Nobyembre 6 hanggang 22, 2026, sa Tallinn, Estonia. Kabilang ang pelikula sa First Feature Competition ng festival.
Inanunsyo noong Huwebes, Oktubre 8, ng Black Cap Pictures at Clever Minds Productions, ang mga kumpanyang kapwa nagprodyus ng pelikula, ang pagkakapili ng “Status: Rejected” na mapabilang sa festival. Sa kanilang social media post, ipinagmalaki nila ang pagkakasama ng pelikula sa hanay ng mga debut feature film mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Anila, “FROM THE PHILIPPINES TO TALLINN. A debut feature from the Philippines, Status: Rejected joins 12 first features from filmmakers across 19 countries.”
Sa direksiyon ni Vahn Leinard Pascual, sinusundan ng pelikula ang kuwento ng isang matandang biyuda, na ginagampanan ni Ruiz, na nangangarap na magkaroon ng mas magandang buhay sa Amerika at muling makapiling ang kanyang anak. Gayunman, hindi madali ang pagkuha ng visa.
Habang naghahanda siyang muling mag-apply, iminungkahi ng isang kaibigan na gumawa siya ng social media account sa pag-asang makatutulong ito upang mapataas ang kanyang tsansang maaprubahan ang kanyang visa. Kabilang din sa cast sina Alessandra de Rossi, Beverly Salviejo, Yani, at Karl Medina.
Naging bahagi rin ang “Status: Rejected” ng mga pelikulang lumahok sa 2026 Cinemalaya Independent Film Festival, kung saan parehas na nakakuha ng Best Actress award sina Ruiz at Marietta “Pokwang” Subong, na kinilala naman para sa kanyang pagganap sa “2 Valid IDs.” Tinanggap din ng pelikula ang NETPAC Award for Best Full-length Film sa nasabing festival.
Sa edad na 65, mayroon nang malawak na karanasan si Ruiz sa pelikula at telebisyon. Kabilang sa kanyang mga naging proyekto ang mga pelikulang Pilipino na “Iska,” “Ma’ Rosa,” “Ginhawa,” at “Ekstra.” Lumabas din siya sa “Expats,” isang drama series na pinagbidahan ni Nicole Kidman, na nagdagdag sa kanyang mga proyektong may internasyonal na pagkilala.
Ang “Status: Rejected” ang kauna-unahang full-length film ni Pascual bilang direktor, matapos niyang gumawa ng mga short film at animation project. Isa sa mga nauna niyang obra ang “Sina Alexa, Xander at ang Universe,” na napili bilang official student short film entry sa 2020 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa edad na 26, idinirehe rin ni Pascual ang short drama at fantasy film na “Alingasngas ng mga Kuliglig,” na nakatanggap ng co-production grant mula sa Film Development Council of the Philippines para sa International Silent Film Festival Manila: Mit Out Sound. Kalaunan, nagwagi ang pelikula ng Best Picture.
Kabilang pa sa iba pang proyekto ni Pascual ang “Mary Go Round, Mary Round,” “Blue Is Not My Favorite Color,” at “Ang mga Sisiw sa Kagubatan.” Naipalabas na rin ang kanyang mga short film at animation project sa iba’t ibang film festival sa loob at labas ng bansa.

