top of page

‘Quezon,’ ‘Filipiñana,’ at anim pang pelikula, naglalaban para maging entry ng Pilipinas sa Oscars

Sari Story

September 2, 2026 at 7:42:56 AM

Larawan ng shortlist para sa Oscars

Larawan ng shortlist ng mga pelikula na magiging pambato ng Pilipinas sa Oscars

Screen shot mula sa Facebook page ng Film Academy of the Philippines

Walong pelikula ang naglalaban-laban para maging opisyal na pambato ng Pilipinas sa 2027 Oscars.


Sa isang pahayag noong Biyernes, Agosto 28, inanunsyo ng Film Academy of the Philippines (FAP) ang shortlist para sa kategoryang Best International Feature Film. Kabilang dito ang “58th,” “All the Things I Leave You (Patawid),” “Filipiñana,” “I’mPerfect,” “Manila’s Finest,” “Quezon,” “Silenced Nights” at “Sisa.”


Kinakatawan ng mga pelikula ang iba’t ibang kuwento ng mga Pilipino na tumatalakay sa kasaysayan, pagkatao, relasyon, mga isyung panlipunan, at makabagong pamumuhay. Ilan sa mga ito ay nakatanggap na rin ng pagkilala sa mga pangunahing international film festival, habang ang iba naman ay nagkamit ng mga lokal na parangal at papuri mula sa mga kritiko.


Sa direksiyon ni Carl Joseph E. Papa, ilang international film festival na ang pinagtampukan ng “58th,” kabilang ang Rotterdam at Annecy. Tumanggap din ito ng Facing the Edge Award sa Doc Edge Festival sa New Zealand.


Ang “All the Things I Leave You (Patawid)” naman ni Jade Castro ay isang Ilocano-language boys’ love (BL) film na nakarating na rin sa mga manonood sa labas ng Pilipinas. Nag-premiere ito sa NewFest sa New York at kalaunan ay ipinalabas sa India at Argentina. Sa festival run nito, nagwagi rin ito bilang Best Episodic Film sa 37th Honolulu Rainbow Film Festival.


Samantala, kamakailan lamang ipinalabas sa mga sinehan sa Pilipinas ang “Filipiñana” ni Rafael Manuel matapos ang paglahok nito sa international festival circuit. Isa itong international co-production ng Pilipinas, Singapore, United Kingdom, France at Netherlands. Tumanggap ito ng papuri mula sa The New Yorker, ScreenDaily at Vulture, at nagwagi ng World Cinema Dramatic Special Jury Award for Creative Vision sa 2026 Sundance Film Festival.

Kasama rin sa shortlist ang “I’mPerfect” ni Sigrid Andrea Bernardo, na umiikot sa isang magkasintahang may down syndrome. Nagwagi ang drama ng Best Picture, Best Actress at Best Ensemble sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Disyembre 2025. Itinampok din ito sa isang special screening sa 27th Lucania Film Festival sa Italy.


Samantala, binalikan ng “Manila’s Finest” ni Raymond Red ang isang magulong yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, kung saan itinakda ang kuwento bago ang First Quarter Storm. Nagkamit ang pelikula ng ilang parangal sa 51st MMFF, kabilang ang Best Cinematography, bago ito nagkaroon ng international premiere sa 25th New York Asian Film Festival.


Ang “Quezon” naman ni Jerrold Tarog ay ikatlong pelikula sa “Bayaniverse” franchise ng director, na pinagbibidahan ni Jericho Rosales bilang si Manuel L. Quezon. Kamakailan ay nagwagi ang historical drama ng Best Picture sa 9th Entertainment Editors’ Choice Awards, habang sina Tarog at Rosales ay tumanggap naman ng Best Director at Best Actor awards.


Hango naman sa pagpatay noong 2017 sa 17-anyos na estudyanteng si Kian delos Santos sa kasagsagan ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa Pilipinas, tinatalakay ng “Silenced Nights” ni Lawrence Fajardo ang isang kontrobersiyal na yugto ng kasaysayan ng bansa.

Tumanggap ng papuri mula sa mga kritiko ang sociopolitical thriller sa 2026 Toronto International Film Festival (TIFF) at gumawa ng kasaysayan bilang unang pelikulang Pilipino na napili para sa Platform Programme ng TIFF, isang seksiyon ng festival na kwalipikado para sa Oscars.


Kumukumpleto sa shortlist ang “Sisa” ni Jun Robles Lana, na nagsilbing pagbabalik sa pelikula ng beteranang aktres na si Hilda Koronel. Ginagampanan ni Koronel ang isang babaeng pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip ngunit lihim na nagtatrabaho bilang espiya para sa mga rebolusyonaryong Pilipino noong Philippine-American War.


Nag-premiere ang historical thriller sa competitive section ng Tallinn Black Nights Film Festival bago magwagi ng Best Screenplay sa Director’s Week section ng 46th Fantasporto International Film Festival.


Susuriin ng National Selection Committee na binuo FAP ang walong pelikula, batay sa artistic merit, cultural relevance at potensiyal ng mga ito na magkaroon ng international campaign. Binubuo ang komite ng mga eksperto sa industriya ng pelikulang Pilipino na inaprubahan ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS).


Ayon kay FAP Director-General Paolo Villaluna, ipinapakita ng shortlist ang lawak ng mga kuwento at pananaw na matatagpuan sa pelikulang Pilipino.


“They look at our history, the issues we continue to face, and the ways Filipinos deal with questions of power, identity, love, freedom, and survival,” ani Villaluna.


“Whichever film we send to the Oscars will carry a Filipino story that we can be proud of,” dagdag niya.


Iaanunsyo ang opisyal na entry ng Pilipinas sa Oscars sa Setyembre 4, kasabay ng opening ceremony ng Philippine Film Industry Month.


bottom of page