top of page

‘Quezon,’ ‘Filipiñana,’ at anim na iba pa, naglalaban para maging kinatawan ng PH sa Oscars

Sari Story

September 5, 2026 at 2:03:33 AM

“Quezon,” “Filipiñana,” at anim na iba pang pelikula, naglalaban para maging kinatawan ng Pilipinas sa Oscars.

Ang shortlist ng mga pelikulang maaaring maging kinatawan ng Pilipinas sa Oscars ngayong taon. Kuha mula sa Facebook page ng Film Academy of the Philippines.

Mula sa Facebook page ng Film Academy of the Philippines

Walong pelikula ang pinagpipilian upang maging opisyal na entry ng Pilipinas sa 2027 Oscars, at nakatakdang -ianunsyo ang mapipili sa Setyembre 4.


Sa press release na inilabas noong Biyernes, Agosto 28, inanunsyo ng Film Academy of the Philippines (FAP) ang shortlist ng mga pelikulang pinagpipilian para sa Best International Feature Film category: “58th,” “All the Things I Leave You (Patawid),” “Filipiñana,” “I’mPerfect,” “Manila’s Finest,” “Quezon,” “Silenced Nights,” at “Sisa.”


Iba’t ibang kwentong Pilipino ang tampok sa mga pelikula, mula sa kasaysayan, pagkakakilanlan, relasyon, at mga isyung panlipunan hanggang sa makabagong pamumuhay. Ilan sa mga ito ay nakatanggap na rin ng pagkilala sa malalaking international film festival, habang ang iba naman ay nag-uwi ng mga parangal sa bansa at umani ng papuri mula sa mga kritiko.


Ang “58th,” na idinirek ni Carl Joseph E. Papa, ay naipalabas na sa ilang international festival, kabilang ang Rotterdam at Annecy. Natanggap din nito ang Facing the Edge Award sa Doc Edge Festival sa New Zealand.


Ang “All the Things I Leave You (Patawid)” ni Jade Castro ay isang Ilocano-language boys’ love (BL) film na naipalabas na rin sa labas ng Pilipinas. Nag-premiere ito sa NewFest sa New York bago ipinalabas sa India at Argentina. Nanalo rin ito ng Best Episodic Film sa 37th Honolulu Rainbow Film Festival.


Samantala, kamakailan lamang ipinalabas sa mga sinehan sa Pilipinas ang “Filipiñana” ni Rafael Manuel matapos itong umikot sa mga international film festival. Ang pelikula ay isang international co-production ng Pilipinas, Singapore, United Kingdom, France, at Netherlands. Umani ito ng papuri mula sa The New Yorker, ScreenDaily, at Vulture, at nanalo ng World Cinema Dramatic Special Jury Award for Creative Vision sa 2026 Sundance Film Festival.


Kasama rin sa shortlist ang “I’mPerfect” ni Sigrid Andrea Bernardo, na nakasentro sa isang couple na parehong may Down syndrome. Nanalo ang drama ng Best Picture, Best Actress, at Best Ensemble sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Disyembre 2025. Tampok din ito sa isang special screening sa 27th Lucania Film Festival sa Italy.


Binabalikan naman ng “Manila’s Finest” ni Raymond Red ang isang magulong yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, kung saan naganap ang kwento bago ang First Quarter Storm. Nag-uwi ang pelikula ng ilang parangal sa 51st MMFF, kabilang ang Best Cinematography, at kalaunan ay nagkaroon ng international premiere sa 25th New York Asian Film Festival.


Ang “Quezon” ni Jerrold Tarog ang ikatlong pelikula sa “Bayaniverse” franchise ng direktor at pinagbibidahan ni Jericho Rosales bilang Manuel L. Quezon. Kamakailan ay nanalo ang historical drama ng Best Picture sa 9th Entertainment Editors’ Choice Awards, habang kinilala naman sina Tarog at Rosales bilang Best Director at Best Actor.


Hango sa pagpatay noong 2017 sa 17-anyos na estudyanteng si Kian delos Santos sa kasagsagan ng kampanya kontra-droga sa Pilipinas, tinatalakay ng “Silenced Nights” ni Lawrence Fajardo ang isang sensitibo at kontrobersyal na bahagi ng makabagong kasaysayan ng bansa. Umani ng papuri mula sa mga kritiko ang sociopolitical thriller sa 2026 Toronto International Film Festival at gumawa ng kasaysayan bilang unang Filipino film na napili para sa TIFF’s Platform Programme, isang Oscar-qualifying section ng festival.


Kukumpleto sa shortlist ang “Sisa” ni Jun Robles Lana, na nagsisilbing pagbabalik sa pelikula ng veteran actress na si Hilda Koronel. Ginagampanan ni Koronel ang isang babaeng pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip ngunit lihim na nagtatrabaho bilang espiya para sa mga Pilipinong rebolusyonaryo noong Philippine-American War. Nag-premiere ang historical thriller sa competitive section ng Tallinn Black Nights Film Festival bago nanalo ng Best Screenplay sa Director’s Week section ng 46th Fantasporto International Film Festival.


Susuriin ang walong pelikula ng National Selection Committee na binuo ng Film Academy of the Philippines (FAP). Binubuo ang komite ng mga eksperto sa industriya ng pelikulang Pilipino na aprobado ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS). Titingnan nila ang mga pelikula batay sa artistic merit, cultural relevance, at potensyal ng mga ito para sa isang international campaign.


Sa isang pahayag, sinabi ni FAP Director-General Paolo Villaluna na ipinapakita ng shortlist ang iba’t ibang kwento at pananaw na matatagpuan sa Filipino cinema.


“They look at our history, the issues we continue to face, and the ways Filipinos deal with questions of power, identity, love, freedom, and survival,” ani Villaluna.


Dagdag niya, bawat pelikulang pinagpipilian ay may “ own voice and approach,” habang binigyang-diin ang potensyal ng mga ito na makaabot sa audiences sa labas ng Pilipinas.


“Whichever film we send to the Oscars will carry a Filipino story that we can be proud of,” dagdag niya.


Ia-anunsyo ang opisyal na entry ng Pilipinas sa Oscars sa Setyembre 4, kasabay ng opening ceremony ng Philippine Film Industry Month.

bottom of page