‘Pee Mak’ nina Wilbert Ross at Bea Binene, tumabo na ng ₱100 milyon sa takilya
Kimberly Asis / Sari Story News
November 3, 2026 at 9:56:38 AM
Pasok na sa hanay ng mga box-office hit ang “Pee Mak” matapos kumita ng mahigit ₱100 milyon sa takilya ang Philippine adaptation ng Thai horror-comedy film sa loob lamang ng 19 na araw. Ipinagdiwang ng mga bida nitong sina Bea Binene at Wilbert Ross sa social media ang kahanga-hangang tagumpay ng pelikula.
“Officially a blockbuster actor!! Congrats sa buong team PEE MAK!! May rason bakit 100M na yan,” saad ni Wilbert sa kanyang post. Hinikayat din niya ang mga hindi pa nakapanood ng pelikula na panoorin na ito.
“Kaya sa mga di pa nakakapanuod! Manuod na kayo!!” dagdag niya.
Sa isa pang post, ibinahagi ni Wilbert ang larawan mula sa isa sa mga eksena ng pelikula at nilagyan ito ng pabirong caption na, “Happy 100M PEEMAK! May pang gatas na si Junjun!!”
Tinukoy niya rito si Junjun, ang anak ng mga karakter nila ni Bea sa pelikula, kung saan gumaganap silang mag-asawa. Makikita sa naturang larawan ang eksena ng binyag ng kanilang anak, kung saan nagsilbing mga ninong nito ang apat nilang kaibigan.
Samantala, hindi rin makapaniwala si Bea sa tagumpay ng pelikula sa takilya.
“Is this even real? MARAMING MARAMING SALAMAT PO,” saad ng aktres.
Bukod sa tagumpay nito sa takilya, patuloy ring nakatatanggap ng positibong reaksiyon mula sa mga manonood ang “Pee Mak,” partikular sa social media platform na X, kung saan ibinabahagi ng mga netizen ang kanilang mga review at impresyon tungkol sa pelikula.
Marami ang pumuri sa kuwelang at madaling makaugnayang kuwento nito, natural na pagpapatawa ng mga artista, at mahusay na pagkakabuo ng mga punchline. Anila, naging epektibo ang bawat karakter sa pagbibigay-buhay sa mga nakatatawang eksena.
May ilan ding nagsabing bagama't may mga madamdaming tagpo sa pelikulang nakapagpaiyak sa kanila, mas nanaig pa rin ang mga nakatatawang eksenang nagpatawa sa kanila nang husto.
Pinuri rin ng mga manonood ang tambalan nina Bea at Wilbert, na mas kilala bilang WilBea, gayundin ang apat pang pangunahing miyembro ng cast na sina Gian Bernardino, Jairus Aquino, TJ Valderrama, at Vandolph Quizon.
Kabilang na ngayon ang “Pee Mak” sa listahan ng mga pelikulang ipinalabas ngayong 2026 na nakapagtala na ng mahigit ₱100 milyon na kita sa takilya.
Kabilang din dito ang “Tayo sa Wakas,” na pinagbibidahan nina Belle Mariano at Donny Pangilinan at umano'y kumita ng mahigit ₱110 milyon, gayundin ang “Always Yours, Never Mine,” na pinagbibidahan naman nina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Samantala, nananatiling pinakamalaking kumita sa takilya ngayong taon ang reunion movie nina Anne Curtis at Jericho Rosales na “The Loved One,” na nakapagtala na ng ₱300 milyon na kita.
Sa ikatlong linggo ng pagpapalabas nito sa mga sinehan, patuloy na tinatamasa ng “Pee Mak” ang tagumpay at mainit na pagtanggap ng mga manonood.

