‘Patayin sa Sindak si Barbara,’ mapapanood nang libre sa Intramuros
Kimberly Asis / Sari Story News
October 23, 2026 at 11:22:41 AM
Ipapalabas nang libre ang klasikong Filipino psychological horror film na “Patayin sa Sindak si Barbara,” sa direksiyon ng award-winning filmmaker na si Chito S. Roño, sa Centro de Turismo sa Intramuros, Manila, sa Oktubre 30, 2026, alas-4 ng hapon.
“Film Fridays returns to Intramuros for a special Halloween screening at the Centro de Turismo!” anunsyo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa isang post sa Facebook.
“Catch the horror classic "Patayin sa Sindak si Barbara" by Chito S. Roño and follow a woman's unsettling journey as she confronts the supernatural in this edition of Film Fridays.”
Itatampok sa screening ang 1995 remake ng “Patayin sa Sindak si Barbara,” na umiikot sa kuwento ng isang babaeng pinagmumultuhan ng espiritu ng kaniyang nakababatang kapatid na nagpakamatay at naghahangad ng paghihiganti.
Pinagbibidahan ang pelikula nina Dawn Zulueta, Lorna Tolentino, Tonton Gutierrez, at Antoinette Taus, kasama ang iba pang artista. Remake ito ng orihinal na pelikulang ipinalabas noong 1974 sa direksiyon ng yumaong filmmaker at screenwriter na si Celso Ad. Castillo. Kapwa isinulat nina Castillo at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee ang bersiyon noong 1995.
Matapos magtagumpay sa takilya at makakuha ng positibong pagtanggap mula sa mga kritiko, iniangkop din ang kuwento sa isang seryeng pantelebisyon noong 2008. Pinagbidahan ito nina Kris Aquino, Jodi Sta. Maria, at Albert Martinez.
Libre ang pagpasok sa screening, ngunit limitado ang bilang ng mga upuan at ang mga ito ay ilalaan sa mga mauunang dumating. Dahil dito, hinihikayat ang mga manonood na dumating nang maaga upang makakuha ng upuan.
Inorganisa ng FDCP at Intramuros Administration (IA) ang aktibidad bilang bahagi ng “Film Fridays,” isang buwanang programa na nagtatampok ng mga klasikong pelikulang Pilipino at mga paboritong pelikula ng mga manonood.

