‘Other Worlds,’ Prequel ng ‘Stranger Things,’ nakatakdang mag-premiere sa 2028
Sandra Samala Salem / Paraluman News
November 8, 2026 at 10:22:35 AM
Nakatakda sa dekada 1950, tatalakayin sa paparating na serye ang mga pangyayaring naganap bago ang orihinal na palabas at ang stage production na “Stranger Things: The First Shadow,” na sumusunod sa magulong nakaraan ni Henry Creel sa Hawkins, Indiana, noong 1959.
Larawan kuha sa Netflix mula sa teaser ng “Other Worlds: A Stranger Things Adventure”
Pinalalawak ng Netflix ang mundo ng “Stranger Things” sa pamamagitan ng bagong live-action prequel series na “Other Worlds: A Stranger Things Adventure,” na nakatakdang mag-premiere sa 2028.
Inanunsyo ng streaming platform ang proyekto noong Nobyembre 6, kasabay ng Stranger Things Day, isang taunang pagdiriwang bilang paggunita sa pagkawala ng kathang-isip na karakter na si Will Byers sa serye.
Nakatakda sa dekada 1950, tatalakayin sa paparating na serye ang mga pangyayaring naganap bago ang orihinal na palabas at ang stage production na “Stranger Things: The First Shadow,” na sumusunod sa magulong nakaraan ni Henry Creel sa Hawkins, Indiana, noong 1959.
Hindi tulad ng orihinal na serye na nakasentro sa grupo ng magkakaibigang nag-iimbestiga sa mga supernatural na pangyayari sa Hawkins, magpapakilala ang “Other Worlds” ng bagong tagpuan, mga karakter, bayani, at kontrabida. Hindi pa inilalabas ng Netflix ang iba pang detalye tungkol sa kuwento nito.
Binubuo ng magkapatid na Matt at Ross Duffer, mga lumikha ng orihinal na serye, ang prequel kasama si Kate Trefry, matagal nang manunulat ng “Stranger Things,” na magsisilbing co-creator, manunulat, at showrunner. Isasagawa ang produksyon sa New Mexico.
Si Joe Wright, direktor ng mga pelikulang “Pride & Prejudice,” “Atonement,” at “Darkest Hour,” ang mangangasiwa sa unang tatlong episode at magsisilbi ring executive producer kasama si Trefry.
Sa pahayag na inilathala sa Tudum ng Netflix, inilarawan ng magkapatid na Duffer ang proyekto bilang bagong karagdagan sa prangkisa na may kakaibang tagpuan at panibagong grupo ng mga karakter.
“Stranger Things pa rin ito, ngunit may kapana-panabik na bagong direksiyon, bagong tagpuan, at mga bagong bayani at kontrabida (It's Stranger Things, but also thrillingly fresh, with a new setting, new heroes and villains),” ayon sa kanila.
Hindi pa inaanunsyo ng Netflix ang mga artistang gaganap sa “Other Worlds: A Stranger Things Adventure.”
Dagdag ito sa patuloy na lumalawak na prangkisa ng “Stranger Things,” na kinabibilangan din ng animated spin-off na “Stranger Things: Tales From ’85” at stage production na “Stranger Things: The First Shadow.”

